Ni MERLINA MALIPOT
Nanawagan kahapon ang grupo ng mga guro na tuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangakong doblehin ang kanilang suweldo.
Sa pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), napapanahon na upang tuparin ni Duterte ang nasabing pangako, lalo pa’t tumaas na ang presyo ng lahat ng pangunahing bilihin.
“We were promised doubled salaries but what we get now are doubling prices of goods and overly delayed benefits,” pagdidiin ni ACT Secretary-General Raymond Basilio.
Aniya, paano maasahan ng pamahalaan na maipagpatuloy ang kanilang tungkulin bilang mga guro kung hindi man lamang nila mabayaran ang bayarin sa ilaw o makabili ng sapat na pagkain para sa kanilang pamilya dahil sa ‘katiting’ na suweldo.
Iginiit ng grupo, ang dobleng-suweldo ay ipinangako umano ni Duterte noong 2016 presidential campaign at limang beses pa umano nitong inulit sa sumunod na mga taon.