ni Annie Abad
SANGKATUTAK ang guard position sa line-up ng Blackwater. Ngunit, ang pagdating ni Baser Amer, isa ring guard, ay magbibigay ng bagong porma sa tinaguriang Bossing ng Philippine Basketball Association (PBA).
Ayon kay Blackwater team owner Dioceldo Sy, tamang player ang 27-anyos shooter sa kampanya ng Bossing na makahirit sa darating na Season.
“Sa mga nakalipas na game namin laban sa Meralco, yung dalawa hanggang tatlong three-pointer ni Baser eh sapat na para mabasag yung kumpiyansa ng mga players. Ngayon nasa amin siya, yun ang magagamit namin,” sambit ni Sy sa kanyang pagbisita sa Usapang Sports on Air via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes.
Nakuha ng Blackwater si Amer sa trade sa Meralco na kinasangkutan ng premyadong forward na si Mac Bello at beteranong si Bryan Faundo.
“Alam mo dito na tayo sa basketball tumantanda kaya alam ko na kung ano ang pangangailangan ng team at si Amer ang kailangan namin sa ngayon. Fair ang trade, kita naman ninyo ibinigay namin ang dekalibre rin player” sambit ni Sy sa forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Hindi naging kontrobersyal ang naturang trade, taliwas sa naganap na trade s apagitan ng San Miguel Beer at Terrafirma kung saan ipinamigay ng huli ang Rookie of the Year at MVP candidate na si CJ Perez kapalit ng tatlong stringer players at karapatan sa rookie draft.
Mistulang ‘Monster Team’ ang Beermen sa pagkakadagdag ni Perez. Sa kaslaukuyan, ang perennial title contender ay binubuo ng mga superstars na sina five-time MVP Junmar Fajardo, Arwin Santos, Chris Ross, Mario Lassiter at Terrence Romeo.
“I don’t want to react on that trade, kasi nindi na ako ang Board representative ng team. But for sure, suportado ng Board ang desisyon ni Commissioner Willie Marcial,” pahayag ni Sy.
“Mahusay naman si Com. Marcial. Alam niya ang pasikot-sikot sa PBA. Isa lang ang negative sa kanya, hindi siya marunong mag-English,” pabirong pahayag ni Sy.