ni Dhel Nazario
Hindi umano sasabog ang pamosong Mt. Makiling matapos mamataan ng mga residente ang puting usok na sinasabing nagmula sa nasabing bulkan sa Los Baños, Laguna.
Sinabi ng Department of Science and Technology (DOST)-Calabarzon, ikinonsulta na nila sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at sa mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) ang usapin na nagsabing ang nasabing usok o singaw ay pagpapatunay ng dating naipong magma sa lugar.
Ayon naman kay Los Baños Mayor Tony Kalaw, kaagad nitong pinuntahan binista ang Lakewood Subdivision sa Bgy. Tadlac kung saan naiulat na nakita ang usok na sinasabing galing ng Mt. Makiling.
Sa kanilang Facebook page, sinabi ng Municipal Government of Los Baños na nakipagpulong sila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay ng Tadlac, Provincial Environment and Natural Resource Office (PENRO), Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Homeowners Association ng Lakewood Subdivision upang talakayin ang susunod nilang hakbang kapag lumala ang sitwasyon.
Tiniyak naman ni Kalaw na magpapadala sila ng liham sa DENR-MGB at DOST-Phivolcs upang maipaliwanag ang insidente.