SAN ANTONIO (AP) — Uuwing may ngiti sa labi ang Golden State Warriors matapos makabawi at tuldukan ang five-game losing skid sa San Antonio sa dominanteng 114-91 panalo sa Spurs nitong Martes (Miyerkoles sa Manila).
Nagsalansan si Stephen Curry sa naiskor na 32 puntos, habang nag-ambag sina Eric Paschall ng 15 puntos at Andrew Wiggins na may 14.
Nanguna si Rudy Gay sa Spurs na may 17 puntos.
Umarya ang Warriors sa pinakamalaking 20 puntos na bentahe sa kaagahan ng final period at sinigurong hindi na makababangon ang Spurs para maibawi ang dikitang 105-100 kabiguan nitong Lunes.
PELICANS 130, HOUSTON 101
Sa New Orleans, hataw si reserve Josh Hart ng 20 puntos at career-high 17 reboundssa panalo ng Pelicans kontra Houston Rockets.
Nag-ambag si Brandon Ingram ng 22 puntos at tumipa si Zion Williamson ng 20 puntos, pitong assists, limang rebounds at isang steal.
HEAT 98, KNICKS 96
Sa Miami, nalusutan ng Heat ang New York Knicks na ginabayan ng nagbabalik na si Derick Rose.
Kumana si Jimmy Butler ng game-high 26 puntos at umiskor si Bam Adebayo ng 19 puntos para sa Miami at nag-ambag si Tyler Herro ng 15 puntos.
Kumasa si Rose na may 14 puntos.
Sa iba pang laro, naitala ni Jerami Grant ang career high 32 puntos para sandigan ang Detroit Pistons kontra Brooklyn Nets, 122-111; nakopo ng Utah Jazz ang ikalimang sunod na panalo nang hiyain ang Boston Celtics, 122-108; pinayuko ng Philadelphia 76ers ang Sacramento Kings, 119-111.