ni Ric Valmonte
“Kayanananawagan ako sa lahat ng mga claimants, Chinese, Vietnamese na maging maingat sa pagpapairal ng kanilang batas dahil ang lugar kung saan sila nagooperate ay ang West Philippine Sea na nasa loob ng exclusive economic zone na ibinigay sa atin ng United Naitons Convention on the Law of the Sea na niratipikahan ng Chinese. Kaya, masyado akong nababahala,” wika ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. Ang ikinababahala ni Lorenzana ay ang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa kanyang coast guard na gamitin ang anumang paraan, kabilang ang pagpuputok, laban sa mga banyagang sasakyang pandagat na makikita nitong pumapasok sa kanyang inaaring teritoryo. Dahil dito, aniya, maaaring may aksidenteng mangyari sa pagitan ng mga patrolling ships ng mga bansa na may inaari ring bahagi ng South China Sea. Pero, tiniyak ng kalihim sa mga mangingisdang Pilipino na ang batas ng China ay hindi para sa kanila, kundi sa mga armadong barko ng ibang bansa. “Hindi armado ang ating mangingisda at pinayuhan ko silang ituloy nila ang pangingisda sa tradisyunal nilang lugar tulad ng Shoal, Reed Bank at kahit Mischief Reef. Tinitiyak ko na may sapat na patrol ang ating coastguard at Navy ships para protektahan sila,” sabi pa ni Lorenzana.
Ayon naman sa kauupong AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana, magkakalat ng mga karagdagang barko ang Armed Forces of the Philippines sa West Philippine Sea, hindi upang makipagdigma sa China kundi pangalagaan ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino. Bahagi, aniya, ito ng sinumpaang nilang tungkulin na pangalagaan ang taumabayan.
Hindi ko alam kung talagang personal na pinili ni Pangulong Duterte si Lt. Gen. Sobejana para pamunuan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. O kaya, kung personal choice niya ito, kung may kaugnayan ang paghirang niya sa pagbabago ng pulitika sa Amerika. Sa inauguration address, ni Joe Biden, ang bagong halal na Pangulo ng Amerika, ang paggalang sa karapatang pantao, ay kanyang itataguyod sa pakikipagugnayan niya sa mga ibang bansa. Ang kanyang administrasyon, base sa Mutual Defense Treaty ng kanyang bansa at Pilipinas, ay handing ipagtanggol ang Pilipinas laban sa pandarahas at kinikilala lamang nito ang karapatan ng China sa South China Sea ayon sa isinasaad ng international law. Eh nakaayon dito ang mga pahayag ni Gen. Sobejana. Sa seremonyang ginanap sa pagpapalit ng liderato ng AFP, sinabi ng heneral, sa pagtanggap niya ng responsibilidad, na ang militar sa ilalim ng kanyang pamumuno ay igagalang ang karapatang pantao. Dadagdagan niya ang mga barko ng bansa sa West Philippine Sea upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino. Hindi ito ginawa ng mga nauna sa kanya. Ngayon naman, maging si Sec. Lorenzana ay sumasandig na sa napanalunang desisyon ng Pilipinas sa Arbitral Court, The Hague hinggil sa sovereign rights nito sa West Philippine Sea laban sa China sa pagpayo niya sa mga mangingisda na magpatuloy mangisda sa inaaring teritoryo ng bansa. Eh sa pakikipagkaibigan ng Pangulo sa China, isinantabi na niya ang nasabing desisyon. Nabibingi siya na marinig ang human rights sa mga sumasalungat sa kanya sa ginagawa niya laban sa kanyang mga kritiko. Nasa parehong hulog pa kaya sina Pangulong Duterte, Sec. Lorenzana at General Sobejana?