ni Leonel Abasola
Nananawagan si Senador Imee Marcos na ipasa na sa lalong madaling panahon ang early voting law para masuportahan nito ang mass vaccination program ng pamahalaan at masiguro ang maayos at ligtas na eleksyon sa susunod na taon.
“Ang pagpaplano para sa eleksyon ay naging mas kumplikado dahil sa pandemya. Sa napipintong pagkumpleto ng ating committee report, umaapela ako kay Pangulong Duterte na sertipikahan bilang urgent ang pagpapasa ng early voting law at gawing maayos at ligtas ang paglilipat ng liderato bilang bahagi ng kanyang pamana,” aniya.
“Sinabi pa nito na mawawalan ng sapat na oras ang Commission on Elections (Comelec) na pagplanuhan ang mga pandemic-related measures at maayos ng tama ang badyet, kapag naantala ang pagpapasa ng nasabing panukalang batas.
Una nang inihain ng senador ang Senate Bill 1104 noong Oktubre na nagbibigay pahintulot para sa maagang pagboto ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs). Gayunman, plano rin niyang maisama ang mga health worker, sundalo, pulis, poll watcher at media kapag tinalakay na ang panukala sa senado.