mula sa PNA
HINIKAYAT ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Lunes ang pamahalaan na palakasin ang aksiyon laban sa pang-aabuso sa bata at pagsasamantala.
Ito ang naging panawagan ni CHR spokesperson Jacquelin de Guia sa komemorasyon ngayong taon ng Child Sexual Abuse Awareness Week, na aniya’y ginugunita “in the wake of a pandemic that has led to the unprecedented economic crisis of the worst Philippine post-war Gross Domestic Product slump”.
Binigyang-diin ni De Guia ang pangangailangan sa patuloy na probisyon ng psychosocial services, health, at financial aid upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa tukso ng online exploitation bilang paraan upang kumita at makatulong sa kanilang pamilya.
“Child exploitation reflects a failure to protect the most vulnerable. The marginalized sector, now more than ever, needs the government’s utmost protection in unprecedented times like this,” aniya.
Nabanggit ni de Guia ang isang pag-aaral ng Anti-Money Laundering Council na nag-ulat sa pagtaas ng financial transactions na konektado sa online sexual exploitation ng mga bata, na umabot sa 27,217 transactions mula Enero hanggang Hunyo 2020 o 2.5 beses na mas mataas kumpara sa naitalang 10,627 noong 2019.
Ang ulat na ito ay nagpapatunay sa natuklasan ng Department of Justice na nag-ulat sa 264 porsiyentong pagtaas sa online sexual exploitation of children (OSEC) habang patuloy na nagdurusa ang bansa sa pandemya.
“Celebrating this year’s Child Sexual Abuse Awareness Week means that all efforts must be exerted by the government to protect all minors from all forms of abuse,” ani de Guia.
Samantala, ikinatuwa naman ng komisyon, ang hakbang ng kasalukuyang administrasyon na pagmultahin ang mga internet service providers sa pagkabigo na maihinto ang online child pornography.
Muling inihayag ng CHR ang suporta nito sa pagpasa ng Senate Bill 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act ni Senator Sherwin Gatchalian, na layong mabigyan ng oryentasyon ang mga Pilipinong kabataan sa kanilang karapatan at ang mainam na proteksyon laban sa OSEC.
Sa ilalim ng national observance of Presidential Proclamation No. 731, ang “National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation” na kilala rin bilang “Child Sexual Abuse Awareness Week, ay ginugunita tuwing ikalawang linggo ng Pebrero.
“Let us all step-up our efforts to respond, protect and prevent the continuing cases of child abuse,” paalala ni de Guia.