MAYROON na tayong Local Absentee Voting Act na nagpapahintulot sa mga taga-media, pulisya at mga guro na maagang makaboto upang makapagpatuloy sila sa kanilang tungkulin sa Araw ng Halalan. Ngayon, iminungkahi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na ang ilang pang sektor—People with Disabilities (PWD), matatanda, buntis, indigenous people, at mga bilanggo—ay pahintulutan bumoto ng mas maaga sa Mayo, 2022.
Ang kanyang rason: Makatutulong itong mabawasan ang panganib ng pagtitipon sa mga voting sites sa Araw ng Halalan. Ang dagdag na sektor na iminungkahi ni Commissioner Guanzon ay kabilang din sa mga pinakamapanganib na mahawa ng COVID-19 virus.
Umaasa ang pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 milyon ng ating 110-milyong populasyon sa pagtatapos ng taon, ngunit nakadepende ito sa availability ng sapat na doses ng bakuna. Sa paghahangad ng buong mundo na mabakunahan ang higit 6 bilyong tao, maaaring walang sapat na doses na available para sa mga susunod na buwan upang makamit ang “herd immunity” na magpapahinto sa pagkalat ng virus sa buong mundo.
Inaasahan nating tatagal pa ang pandemya ng ilang taon, lalo na sa mas mahihirap na bansa. Ipinakita ng COVID-19 na kaya nitong malampasan ang pinakamahihigpit na restriksyon. Hangga’t nabubuhay ito sa alinmang bansa, mananatili sa panganib ang buong mundo.
Kaya naman, kailangan nating ipagpalagay na patuloy na magdadala ng panganib ang COVID-19 sa bansa sa pagsapit ng presidential election sa Mayo 2022. Sa araw na iyon ihahalal ng ating mga botante ang pangulo at pangalawang pangulo, 12 senador, 247 distrito at 61 party-list kongresista, 81 gobernador at 81 bise gobernador, 780 board member, 1,634 mayor at vice mayors, at 13,546 konsehal ng siyudad at bayan.
Gumugugol ng oras bago mapunan ang mga blanko para sa posisyon sa mga balota, kaya naman maraming poll precinct ang napipilitang magbukas lampas sa itinakdang pagsasara ng botohan. Magkakasama ang mga botante sa iisang presinto. Ito ang dapat nating maiwasan sa panahong ito ng pandemya.
Ikinokonsidera ngayon ng Comelec ang hakbang na maglilimita sa panganib ng pagkalat ng virus, kabilang ang dagdag na voting precincts at mga voting machines. Nariyan din ang hakbang na pahintulutan ang mail voting tulad sa United States, ngunit may pag-aalinlangan dito si Commissioner Guanzon. Ang mga Pilipino ay “too enterprising,” aniya at maaaring hindi kayanin ng Philippine Post Office ang bugso ng mga maeenganyo.
Ngunit ang pagpapahintulot sa mas maraming tao na makaboto nang mas maaga ay makatutulong, ayon kay Commissioner Guanzon. Magpapahintulot ito sa halos one-fourth ng inaasahang 61 milyong botante na hiwalay na makaboto at makababawas sa bugso ng mga botante na magtutungo sa mga presinto sa araw ng halalan.
Isa itong ideya na dapat ikonsidera ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ng Kongreso na kailangang aprubahan ang isang Local Absentee Early Voting Law, na naglilista sa lahat ng sektor na pahihintulutang bumuto ilang araw bago ang Araw ng Halalan. Magsisilbi ito upang mabawasan ang panganib ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.