ni Dave M. Veridiano, E.E.
SA dami ng benipisyong maidudulot kapag naitayo na ang Bulacan International Airport, ang pinakaaabangan ng ating mga kababayan na multi-billion na proyekto na inumpisahan kahit nasa gitna ng mapaminsalang pandemiya ang buong bansa, ay nasisiguro kong maraming Pinoy na dumapa sa hirap ng buhay ang muling makababangon at makababalik sa normal na pamumuhay.
Mismong si Bulacan Vice Governor Willy Alvarado ang nagpatotoo rito, sa nakaraang lingguhang Broadcaster’s Forum: “Napakaraming kapakinabangan ang idudulot nito sa ating ekonomiya, lalo na sa tatlong malalaking rehiyon dito sa Luzon, batay na rin sa napakalalim na pag-aaral para sa proyektong ito na inumpisahang gawin 25 taon na ang nakararaan.”
Dagdag pa niya: “Ang daloy ng trapiko sa Metro Manila ay siguradong bibilis at luluwag kapag nabuksan na ang lugar ng Bulacan Airport, kung saan maglilipatan ang malalaking bodega at mga imbakan ng mga container van. Ang problema sa baha ay siguradong malulutas dahil sa kabi-kabilang dredging sa mga heavily silted na ilog sa lalawigan, na kailangang gawin dahil kabahagi ito sa ginagawang construction sa lugar. Isama pa natin ang daan libong kababayang mabibiyayaan ng trabaho.”
Batay sa pag-aaral ay aabot sa 200 milyon na mga pasahero – na karamihan ay mga mangangalakal, turista at OFW – ang makikinabang sa Bulacan Airport sa loob lamang ng isang taon. Makatutulong din ito sa economic development sa mga siyudad at kanugnog bayan ng Bulacan, lalo na rito sa Metro Manila.
Ang nagpalaki sa aking mata ay ang ibinalita ni Vice Gov. Alvarado na ipinakita umanong interest ng tatlong malalaking foreign corporation na gumagawa ng gadgets at electronics – na ang bawat planta ay may daan libong mga manggagawa – na magtayo ng kanilang mga planta sa loob ng lugar na dini-develop para proyektong airport kapag ito ay operational na.
Aba’y wala na itong atrasan dahil kumpleto na sa rekado – pondong Php 740-billion na inilabas ng San Miguel Corporation (SMC) sa pamumuno ng negosyanteng si Ramon S. Ang (RSA); aprubadong prankisa ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) upang magtayo, magpalago, gumawa, mangasiwa, at mamahala sa domestic at international airport; naumpisahang dredging sa mga makasaysayang ilog sa paligid ng lugar; at ang katatapos lamang na Skyway 3 na nagdurugtong sa SLEX at NLEX.
Sa pagkakaalam ko, halos lahat ng mambabatas – maliban sa iilan – ay sumang-ayon sa proyektong ito ng SMC kaya madaling nailabas ang prangkisa para maumpisahan na ito ng SMAI.
Ito naman ang nakita kong dahilan kaya malakas ang loob ng kumpaniya ni RSA na sunggaban ang proyekto at maglabas ng bilyones na pondo para rito: “Pursuant to the franchise law, tax exemptions will be granted to SMC during the ten-year construction period. After construction, SMC can continue to enjoy tax exemptions but the exemptions will expire once the government through the Bureau of Internal Revenue (BIR) determines that the franchisee has fully recovered its investment.” Kadalasan kasi kapag walang “tax incentives” ang mga investor ay deadma sa ganitong kalalaking proyekto na nangangailangan ng bilyones na kapital. Iba talaga pag magaling sa numero – magaling magkuwenta!
Para naman maging siguradong matatag ang lugar na tatayuan ng airport, kinontrata ng SMC ang pinaka-ekspertong kumpaniya sa buong mundo sa larangan ng dredging, ang Royal Boskalis Westminster N.V. Ani RSA: “Boskalis has committed to ensure that the area will be suitable for development. It will be designed with the highest technical and environmental standards, so it can withstand potential large earthquakes, local typhoon conditions, and even future sea level rise. SMC is committed to ensure that the airport project will serve and benefit Filipinos for many generations to come.”
Sana’y marami pang pribadong kumpaniya na pumasok sa ganitong mga proyekto – na ang dulong makikinabang ay ang sambayanang Pilipino!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]