‘National Team members dapat isama sa vaccine priority list’ -- Go

WALANG dapat ipagamba ang atletang Pinoy, higit yaong sasabak sa dalawang major international multi-event ngayong taon.

GO: Unahin din ang atleta

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Personal na umapela si Senator Christopher ‘Bong’ Go, Chairman ng Senate Committee on Sports, kay vaccine czar Gen. Carlito Galvez, Jr. na gawan ng paraan na maisama ang atletang Pinoy na sasabak sa Tokyo Summer Olympics at Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa priority list para mabigyan ng bakuna laban sa coronavirus (COVID-19).

Nauna nang naipahayag ng Inter- Agency Task Force (IATF) na mabibigyan ng vaccine bilang priority list ang frontliners na kinabibilangan ng medical personnel, kapulisan, military at senior citizens, gayundin ang pinakamahihirap na sektor.

Sinabi ni Go na nakausap na niya si Galvez hingil dito at positibo umano ang pagtugon ng pamunuan na nangangasiwa sa vaccine, higit at kailangan ng mga atleta ang proteksyon para sa kanilang paglahok sa kompetisyon na nakatakda ngayong taon.

“Bandila ng Pilipinas at dangal ng lahing Pilipino ang itatanghal ng ating mga atleta sa mga palarong ito. Dapat lamang na bigyan din natin sila ng sapat na proteksyon,” pahayag ni Go.

“Noong nakaraang 2019 SEA Games, naging kampeon ang Team Pilipinas dahil sa suporta ng buong sambayanang Pilipino. Nagkaisa ang gobyerno, pribadong sektor, at ordinaryong Pilipino para ating mga atleta,” sambit ni Go.

“Ngayon na kailangan nila ang tulong at proteksyon mula sa sakit, ibigay muli natin ang suportang kailangan nila hindi lamang sa oras ng kanilang kompetisyon, kundi pati na rin sa kanilang preparasyon at panahon ng kanilang pangangailangan,” aniya.

Nagpalabas na rin ng abiso ang International Olympic Committee (IOC) na nangangasiwa sa Olympics na nakatakda sa Hulyo sa Tokyo, Japan, gayundin ang Vietnam SEAG organizing committee para sa biennial meet sa Disyembre na siguruhing nabakunahan ang mga atleta bago papasukin sa Athletes Village.

Iginiit ni Go ang kahalagahan sa mga atleta na mapanatili ang kanilang kalusugan at kahandaan hindi lamang para sa kompetisyon bagkus sa kanilang mga career dahil nakasalalay dito ang kabuhayan ng kani-kanilng pamilya.

Batay sa record ng Philippine Sports Commission (PSC), tumatanggap ng P40,000 ang mga Elite athletes, habang nasa batas din ang pagbibigay ng insentibo na aabot sa P10 milyon para sa magwawagi ng gintong medalya sa Olympics.

“Marami po sa atleta natin ay nagsikap at nanggaling pa sa malalayong lugar. Sila po ang pag-asa ng kanilang pamilya upang makaahon sa hirap. Ang proteksyon nila ay hindi lang para makapag-compete, kundi pati rin para may maiuwing pagkain, kabuhayan, at kasiyahan sa kanilang mga komunidad na pinanggalingan,” ayon kay Go.

“Intindihin po natin na maraming nawalan din ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may mga pamilyang pinapakain. Kasama na diyan ang mga atleta, coaches at trainers na matagal na tumigil ang kabuhayan dahil sa COVID-19. Kapag nabakunahan sila, hindi lang ito para sa kompetisyon kundi para rin sa kabuhayan nila,” aniya.