ni Bert de Guzman
NAMUMUO ang tunggalian ng dalawang babae sa 2022 elections. Bagamat malayo pa ang halalan, may mga lumabas nang report o balita na may plano ang ilang partido-pulitikal at grupo na isulong ang napupusuang mga kandidato.
Sa bagay na ito, dalawang babae ang lumulutang ngayon na baka tumakbo sa panguluhan sa 2022. Sila ay sina Vice Pres. Leni Robredo at Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
Gayunman, kapwa itinatanggi ng dalawa na sila ay may ambisyon o balak na kumandidato sa darating na eleksiyon na anila ay lubhang napakalayo pa. Tama naman sina Robredo at Sara, malayo pa ang 2022 at posibleng marami pang pangyayari ang maganap sa panahong ito.
Sa panig ni VP Leni, sinadya o nadulas ba sa pagsasalita si Sen. Francis Pangilingan, pangulo ng Liberal Party (LP), na plano nilang si Robredo ang ikandidato sa 2022 elections? Sa panig naman ni Inday Sara, itinutulak siya ng ilang grupo na tumakbo para raw maipagpatuloy ang mga programa at adbokasiya ng amang Pangulo para sa bayan.
oOo
Ang mga lider at pulitiko ng bansa, kabilang si PRRD, ang dapat unang paturok ng bakuna na gawa sa China. Sila ay tuturukan sa publiko upang magsilbing halimbawa na okey lang ang bakuna sa mga nagdududa sa bisa (efficacy) at kaligtasan ng Chinese-developed COVID-19 vaccines. Nais kasi ng Pangulo na ang iturok sa kanya ay alinman sa bakunang gawa sa China o Russia.
Ang pahayag ay ginawa ni Fr. Nicanor Austriatico, isang Dominican priest, molecular biologist, at puno ng University of Santo Tomas (UST) COVAX Vaccine Awareness Team.
Binanggit ng paring Dominikano na batay sa UST survey, may pangkalahatang duda o alinlangan ang mga tao na bakunahan ng China’s Sinopharm at Sinovac.
“Batay sa aming trabaho, marami ang nag-aalangan sa Chinese vaccines. But if any of our politicians, if there is a perception that our politicians are avoiding those vaccines, it would be disastrous for the vaccine strategy of the Philippines,” sabi ni Austriatico.
Binigyang-diin ng pari sa interview ng The Chiefs sa OneNews noong Miyerkules, mula sa Providence College sa Rhode Island na siya ay isang propesor ng theology at biology, na ang pagbabakuna sa publiko ni Pres. Rody at ng iba pang mga pulitikong Pinoy ay dapat na maging top priority upang makuha ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino.
May 44 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa Pilipinas sa loob ng taong ito, ayon sa World Health Organization (WHO). Sinabi ni WHO country representative Rabindra Abeyasinghe na ang 9.2 milyon ng 44 milyong doses ng Covid-19 vaccines na inilaan sa bansa sa pamamagitan ng COVAX facility, ay darating sa Marso o Abril 2021.
Sakaling dumating na sa ating bansa ang mga bakuna, makatwiran at praktikal ang mungkahi ni Fr. Austriatico na ang unang bakunahan sa publiko ay si Mano Digong at mga pulitiko. Dagdag ng dalawa kong kaibigan, dapat daw isama sa babakunahan sina Health Sec. Francisco Duque III, vaccine czar Carlito Galvez, presidential spokesman Harry Roque, presidential legal counsel Salvador Panelo, at cabinet members.