ni Marivić Awitan
KUMUHA ng karagdagang apat na players bilang dagdag puwersa para sa darating na 2021 volleyball season ang PLDT Home Fibr mula sa free agency pool.
Ayon sa kanilang post sa kanilang social media page, ang mga bagong players na idinagdag ng Power Hitters ay sina dating Generika-Ayala players Eli Soyud, Chin Basas at Yeye Gabarda, at dating San Beda player Nieza Viray.
Naniniwala si PLDT Home Fibr head coach Roger Gorayeb na makakatulong sa kanilang rebuilding sina Soyud, Basas at Gabarda dahil may karanasan na bilang magkakasama.
“Malaking bagay yan kasi yung experience nila, malaking maitutulong sa atin. Sa mga pinanggalingan nila na team, nagagamit sila at malaki yung nakuha nila na exposure nun,” pahayag ng most winningest coach sa NCAA na may 39 titles at isa sa may hawak ng triple crown sa V League.
“Sana mabitbit nila yun sa amin, talagang mapi-fill nila yung gap ng nawala sa amin plus malaki pa sila at bata pa sila.”
Isang 5-foot-10 opposite hitter buhat sa Cagayan de Oro si Soyud. Naglaro siya sa Adamson University sa UAAP gayundin sa Motolite noong 2019 bago nalipat ng Generika- Ayala noong isang taon.
Opposite hitter din ang 24-anyos at 5-foot-8 na si Basas. Isa syang dating Far Eastern University Lady Tamaraw at naglaro din sa Petron.
Middle blocker naman ang 22-anyos na si Gabarda na tubong Tacloban na hindi na lalaro sa kanyang huling taon para sa University of the East sa UAAP.