Curry, 52 puntos; Doncic, 42 sa Mavs-Warriors shootout
DALLAS (AP) — Labanan sa three-point area. Walang tulak kabigin ang shooting nina Luka Doncic ng Dallas at Stephen Curry ng Golden State. At tulad sa unang paghaharap, pukpukan ang labanan, ngunit sa pagkakataong ito, nangibabaw ang mas malalaking Mavericks.
Nalusutan ng Mavs, sa pangunguna ni Doncic nakumana ng career high 42 puntos, ang matikas na Warriors, 134-132, nitong Sabado (Linggo sa Manila) para maitabla ang head-to-head duel ngayong season 1-1.
Makapigil-hininga ang laro, higit sa huling dalawang minuto kung saan naghabol ang Warriors, sa pangunguna ng two-time MVP, mula sa 10 puntos na bentahe para maidikit ang iskor.
Kumasa si Curry ng 57 puntos, tampok ang season high 11 three-pointer. Sa panalo laban sa Portland may isang buwan na ang nakalilipas, nagsalansan si Curry ng career-high 62 puntos.
Naitala ni Doncic ang 12 of 23 sa field, 7 for 12 sa 3-point range at 11 of 14 sa free throws at may 11 assists at pitong rebounds para tuldukan ang home losing streak ng Mavs sa pangangasiwa ni Rick Carlisle.
“What a display of basketball out there,” sambit ni Carlisle. “Just amazing playmaking and shot-making the entire night. Curry and Doncic were spectacular. Both teams played with a lot of heart and a lot of joy. Great thing to see.”
Naibaba ng Warriors ang bentahe ng Mavs sa isang puntos matapos makumpleto ni Curry ang three-point play may 28 segundo ang nalalabi. Sa sumunod na play, naisalpk ni Maxi Kleber ang three-pointer para sa 134-130 bentahe may 5.6 segundo sa laro.
CELTICS 119, CLIPPERS 115
Sa Los Angeles, ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Jayson Tatum na may 24 puntos, ang Clippers.
Hindi nakalaro sa Clippers si All-Star Paul George. Nanguna si Kawhi Leonard na may 28 puntos at 11 rebounds para sa Clippers.
SIXERS 124, NETS 108
Sa Philadelphia, hataw si Joel Embiid sa naiskor na 33 puntos, habang kumana si Ben Simmons ng 16 puntos at 12 rebounds sa panalo ng Philadelphia 76ers sa short-handed Brooklyn Nets.
Nag-ambag si Tobias Harris ng 21 puntos at 12 rebounds para sa ikalimang panalo sa huling anim na laro ng Eastern Conference-leading 76ers.
Nanguna sa Nets si James Harden na may 26 puntos, 10 assists at walong rebounds. Hindi nakalaro sa Brooklyn sina Kyrie Irving (finger sprain) at Kevin Durant (NBA protocol).
Sa iba pang laro, nagwagi ang Chicago Bulls sa Orlando Magic, 118-92; habang pinumbos ng Milwaukee Bucks ang Cleveland Cavaliers, 124-99.