ni Ric Valmonte
SA nakaraang recorded address to the nation ni Pangulong Duterte, inamin na niya na bagsak na bagsak na ang ekonomiya ng bansa. Marami nang mga nagsarang negosyo at maraming walang trabaho. Kinakailangan pa bang ipahayag niya ito sa publiko? Ngayon pa lang ba niya nalaman ito?
Hindi pwedeng hindi banggitin ang naging reaksyon ni Pangulong Duterte nang ihayag ng World Health Organization na pandemic na ang salot. Minaliit niya ang virus. Ang mga ibang bansa ay nag-lockdown na upang mapigil ang pagkalat ng sakit. Sumunod lamang ang Pangulo sa ginawang paraang ito pagkatapos ng isang buwan at pagkatapos mapagbigyan ang mga Tsinoy na makapasok sa bansa, gayong sa kanilang bansa nagbuhat ang virus. Bilang tugon sa pandemya, nilikha ng Pangulo ang Inter-agency Task Force Against Infectious Diseases na ang dominanteng sangkap nito ay ang mga sundalo at pulis na animo’y nakikita ang kalaban at maigugupo ito sa pamamagitan ng tangke at bala. Ang diniinan ng kampanya ay ang maiwasan ang pagkalat ng virus. Nabigo ang mga negosyante, sapagkat sila ay matinding naaapektuhan ng mga protocol na pinairal ng task force, sa kanilang kahilingan na magkaroon ng kinatawan sa nasabing task force. Si Pangulong Duterte ang huling nag-lockdown, pinakamahaba naman niyang pinairal ito. Bakit hindi babagsak ang ekonomiya gayong sa panahon ng lockdown patay ang negosyo at napakarami ang mga nawalan ng trabaho.
Ayon sa Pangulo, sa pagbagsak ng ekonomiya, P2 bilyong ang nawawala na sana ay mapupunta sa mga mamamayan lalo na iyong mga naghihirap. Para bang may malasakit siya sa taumbayan. Ang problema, sa halip na pagaanin ang kanilang dinaranas na kahirapan, dinadaganan pa sila ng mga gastusing hindi naman kinakailangan pa sa ngayon. Paiiralin na ng Land Transportation Office ang child car seat law at ang private motor vehicle inspection center. Sa isang banda, bibili si Pangulong Duterte ng 12 helicopter at eroplano na gagamitin ng Philippine National Police sa taong ito. Ikakalat ng mga ito sa limang area offices sa Metro Manila.
Sa totoo lang, hindi prayoridad ng administrasyon ang kaligtasan at kahirapan ng mamamayan dahil hindi dibdiban ang pagbaka sa sakit. Sa mga ginagawa niya sa panahon ng pandemya, tulad ng nilikha nitong Anti-Terrorism Act, pagamyenda sa Saligang Batas, red-tagging, tangkang maghimasok sa UP Campus, pagpaslang at pagdakip sa mga lider ng mga magsasaka, manggagawa, media, propesyunal at magaaral, hinahati lamang ang mamamayan sa halip na pagisahin sa pagharap sa pandemya.