ni Beth Camia
Upang matiyak na hindi makapapasok ang pekeng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa bansa, puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng Food and Drug Administration (FDA) sa ilang ahensya ng gobyerno, tulad ng Bureau of Customs (BOC).
“Meron nang pakikipag-ugnayan ang FDA, ang ating Bureau of Customs na talagang susuriing maiigi itong mga dokumento ng mga bakunang darating, at magkakaroon pa po sila ng orientation patungkol dito,” lahad ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque.
“At ako naman ay nakasisiguro na itong mga pekeng bakuna na ito — ay harinawa ay ‘di makapasok at kung saka-sakali naman makapasok — ‘don pa lang sa border controls natin ay talagang mapigilan na at maimbestigahan at makasuhan ang mga salarin, so ‘yan po ang pinaghahandaan,” dagdag pa ng opisyal. Noong Martes ay iniulat ng state news agency ng China na naaresto ang nasa 80 katao sa isinagawang operasyon sa Beijing, Shanghai, at eastern province ng Shandong kung saan nasabat ang 3,000 doses ng pekeng bakuna.