Ni ELLSON A. QUISMORIO
Dadagsa na sa mga pamilihan sa Metro Manila ang mura at sariwang karneng baboy sa susunod na mga araw.
Ito ang tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar at sinabing ang nasabing produkto ay magmumula pa sa Mindanao, Visayas at ilang parte ng Luzon, kabilang ang Batangas.
Resulta aniya ito ng kanyang pakikipagpulong sa mga nag-aalaga ng baboy sa Soccsksargen region kamakailan kung saan tinalakay ang kanilang hakbangin upang maibangon ang industriya ng pagbababoy at maibaba ang presyo nito.
“With these initiatives, we are helping the hog raisers and those involved in the supply chain to earn, while providing consumers access to affordable meat and meat products,” pagdidiin nito.
Nitong Pebrero 6, pinangunahan nina Dar, DA Undersecretary for Livestock William Medrano at Region 12 Executive Director Arlan Mangalen, ang pagpapadala sa Metro Manila ng dalawang truck na naglalaman ng tig-130 na baboy na may kabuuang 26.4 metriko tonelada.
Ang nasabing mga baboy ay mula sa Koronadal Valley Livestock Growers.
“Other provinces from Visayas including Iloilo have also shipped off 600 heads last night to fill the supply gap currently being experienced in Luzon,” ayon sa kanya.
Ipagbibili ang nasabing karne alinsunod na rin sa price ceiling na ipinataw ng pamahalaan sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 124.
Ngayong araw, inaasahang magpupulong ang mga kinatawan ng DA at magbababoy sa Luzon para sa posibleng pagpapadala ng mga produkto nito mula sa San Jose, Batangas.