ni Marivic Awitan

MULA sa University of the Philippines (UP), lalarga ang talento nina Isa Molde at Marist Layug sa professional league sa kanilang pagsama sa PLDT Home Fibr Power Hitters sa Premier Volleyball League (PVL).

Sinabi nina Power Hitters head coach Roger Gorayeb at team manager Bajjie Del Rosario na nakuha nila ang basbas ng UP management para sa career ng dalawa.

“Nakausap namin ni Sir Bajjie yung adviser nila na si Direk [Mandy Reyes]. Sinabi naman sa amin na bibigyan na nila ng chance yung dalawa na tignan na kung ano ang makakabuti sa kanilang career,” sambit ni Gorayeb, tangan ang malalim na karanasan bilang NCAA champion sa 39 na pagkakataon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Masaya na sila sa nabigay ni Isa at Marist sa four years nila sa UP -- sa exposure at mga naibigay nila sa programa.”

Ang 22-anyos na si Molde mula sa Catmon, Cebu, ang top rookie sa UAAP Season 78. Nagwagi rin siya ng Conference at Finals MVP noong 2018 PVL Collegiate Conference..

“Si Isa, outside hitter ‘yan e. Malaking bagay yung exposure niya sa UP at sa mga nalaruan niya na teams. Malaki ang madadala niya sa team natin,” sambit ni Gorayeb.

Inamin naman ni Gorayeb na matagal na niyang maging player si Layug, 6-foot blocker mula sa Quezon City.

“Si Marist kasi nung nasa NU na ako, isa ‘yan sa mga gusto kong kunin. Kaso hindi kami nagkaroon ng chance na makausap siya kasi ibang tao ang kumausap sa kanya that time. Sabi na lang niya sa akin na mag-UP na siya,” aniya.

Makakasama nina Molde at Layug sa koponan ang mga bago ring recruit na sina Eli Soyud, Chin Basas, Yeye Gabarda, at Nieza Viray as the newest acquisitions of PLDT.