MALAKING suliranin ngayon sa mga Pilipino ang usapin ng bakuna. Ang kanilang pangamba ang nagmumula sa kasapatan ng suplay para sa 110-milyong populasyon ng bansa hanggang sa kaligtasan ng bakuna na nasa bansa na.
Maraming ibang bansa ang nakapagsimula na ng mass vaccination para sa kanilang mga tao, partikular ang United States at United Kingdom. Sa kalagitnaan nitong Enero, 42 bansa na ang nakapagsimula nang kanilang vaccination programs, isinawalat ng World Health Organization (WHO)—36 high-income na mga bansa at anim na middle-income. Sinabi ng European Union na mayroon itong higit sa sapat para sa buong populasyon ng Europe.
Sa kalagitnaan ng Enero, sinabi ng World Health Organization, na 50 porsiyento ng mga high-income na bansa sa mundo ang nakapagsimula na ng mass-vaccinating sa kanilang populasyon—kumpara sa zero porsiyento ng mga low-income na bansa.
Ang problemang ito ng hindi patas na pamamahagi ng bakuna sa mundo ang nais solusyunan ng WHO sa pagbuo ng COVAX Facility isang pandaigdigang inisyatibo katuwang ang Gavi Vaccine Alliance at Coalition for Epidemic Preparedness Innovations. Sa huling bahagi ng buwan nakatakdang simulan ng programa ang pamamahagi ng inisyal na 337.2 million doses.
Mapupunta ang inisyal na suplay ng bakuna sa India, Pakistan, Nigeria, Indonesia, Brazil, Ethiopia, Democratic Republic of Congo, Mexico, Pilipinas at Egypt . Ang sunod na grupo, na makatatanggap ng kanilang bakuna sa pagtatapos ng Marso, ay ang Bhutan, Bolivia, Bosnia at Herzegovina, Cape Verde, El Salvador, Georgia, Maldives, Moldova, Mongolia, Palestinian Territories, Rwanda, at Tunisia.
Layon ng COVAX na masiguro ang sapat na bakuna para sa pinaka bulnerableng 20 porsiyento ng mga kalahok na bansa sa pagtatapos ng 2021. Kung wala ang inisyatibong ito ng WHO, maraming bansa sa mundo ang hindi magkakaroon ng kakayahan na mabakunahan ang mahalagang bahagi ng kanilang populasyon. Ang programang ito ng WHO ay nakaangkla rin sa katotohanan na hangga’t laganap ang virus sa anumang bahagi ng planeta, mananatili ang panganib ng muling pagkahawa sa buong mundo.
Taliwas naman sa napakapositibong kaganapan sa COVID-19 vaccines ay ang resulta ng isinagawang survey kamakailan na nagsasabing karamihan ng mga Pilipino ay nangangamba hinggil sa pekeng bakuna. Ang pangambang ito ay inihayag ng 98 porsiyento ng 15,651 respondents sa isang survey na isinagawa ng isang research team ng University of Santo Tomas.
Ang survey ay may 92.7 porsiyentong pangamba hinggil sa posibleng side effects ng bakuna; 91.7 porsiyentong pangamba hinggil sa kaligtasan; 84.5 porsiyentong pangamba na hindi mabisa ang bakuna laban sa ibang variants ng COVID-19 virus na lumilitaw ngayon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig; 83.5 porsiyentong pangamba na hindi nasuring maayos ang bakuna; 82.3 porsiyentong pangamba na ginawa ito sa mahal na gastos; at 80.2 porsiyento na minadali ang paggawa rito.
Sa mga sumagot sa survey, 55.9 porsiyento ang nagsabing “definitely or probably” ay tatanggapin nila ang bakuna sakaling maging available na ito, habang 44.1 porsiyento ang hindi sigurado o walang balak na tumanggap ng bakuna.
Ang survey, bagamat hindi kumakatawan sa buong populasyon ng bansa, ay inilarawan bilang nagbibigay ng pasilip sa mahalagang bahagi ng populasyon ng mga Pilipino sa kabuuan. Inilalarawan nito ang kawalan ng katiyakan na dapat ikonsidera ng pamahalaan sa pagbuo nito ng plano para sa mass vaccination ng buong bansa.