ni Bert de Guzman
PINATATAHIMIK ni Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. si presidential spokesman Harry Roque tungkol sa mga isyu na may kinalaman at saklaw ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Para kay Locsin, kahit si Roque ay puwedeng magsalita sa pangalan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) hinggil sa iba’t ibang mga isyu, hindi dapat makialam at makisawsaw ang Tagapagsalita ng Malacanang sa “foreign affairs”.
Partikular na pinatutungkulan dito ni Locsin si Roque sa bagong batas ng China na nag-aawtorisa sa Coast Guard nito na paputukan ang mga dayuhang barko na magdaraan o papasok sa karagatang inaangkin ng dambuhalang bansa sa South China Sea (SCS) at West Philippine Sea (WPS).
Sinabi kasi ni Roque na hindi naniniwala ang Malacañang na ang China’s new Coast Guard law ay makasisira sa pag-asa para ang China ay tumalima at kumilala sa Code of Conduct sa South China Sea.
Ayon sa Malacañang mouthpiece, maaari uling dalhin ng Pilipinas ang isyu sa SCS-WPS sa International Tribunal para kuwestiyunin ang kontrobersiyal na batas na pumapabor sa PH, pero ayaw kilalanin ng dambuhalang nasyon. Ang Pilipinas at ang China ay kapwa mga miyembro ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sina Locsin at Roque ay parehong abugado. Pareho silang naging kongresista. Pareho rin silang articulate, matabil at kung minsan ay padalus-dalos at diretsahang magsalita.
“I am not listening to Harry Roque. Love the guy but he’s not competent in this field. We do not go to Hague. We might lose what we won. Harry, lay off,” sabi ni Locsin sa kanyang Twitter. Ang Hague ay ang Permanent Court of Arbitration na nag-invalidate sa nine-dash line claims ng China noong 2016. “Harry, just lay off foreign affairs,” ani Locsin.
Sa briefing sa Malacañang, binigyang-diin ni Roque na si Pangulong Duterte ang chief architect ng foreign policy, gustuhin man o hindi ni Locsin.
“I love him back even more so. Tisoy kasi ‘no… But anyway, the President is the chief architect of foreign policy, pero hindi po tayo nanghihimasok (but we’re not meddling),” reaksiyon ni Roque.
“It is clear from our answer yesterday na we said theoretically the only way or the only forum is the Tribunal for the Law of the Sea but the decision whether or not to go there lies with the Department of Foreign Affairs, our Department of Foreign Affairs as well as the Ministry of Foreign Affairs of the other countries. I think I was very clear that I was not intruding,” giit ng Tagapagsalita ni PRRD.
Kamakailan lang, sinabi ni dating Supreme Court justice Antonio Carpio na ang mga karibal o rival claimants ng Beijing sa South China Sea ay maaaring hilingin sa UN tribunal na pawalang-saysay ang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa Coast Guard na paputukan ang foreign vessels na daraan sa karagatang inaangkin nito.
Kaibigan ng ating Pangulo si Chinese Pres. Xi Jinping. Mahal na mahal niya ang China. Higit ang pagpabor niya rito kumpara sa United States na matagal nang kaibigan at karelasyon ng Pilipinas. Gusto ni Mano Digong na sa kanyang termino, magkaroon ng independent foreign policy ang Pinas kung kaya dumidikit siya ngayon sa China at sa bansa ni Pres. Vladimir Putin.
Abangan na lang natin kung ang pakikipagkaibigan niya sa China at Russia ay magbubunga ng mabuti sa kapakanan ng sambayanang Pilipino!