ni Charissa Luci-Atienza
SISIMULAN na ngayong Pebrero ang Virgin Coconut Oil (VCO) trial study sa 120 pasyente ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa lungsod ng Valenzuela, inanunsiyo ng Department of Science and Technology (DOST).
Ito ang ibinahagi ni DOST Secretary Fortunato T. dela Peña sa kanyang weekly report nitong Biyernes.
Nakatakda na, aniyang magsimula ang VCO clinical matapos ang naging paglagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng City of Valenzuela, DOST-National Capital Region (DOST-NCR), at DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI), katuwang ang DOST- Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), at Philippine Coconut Authority (PCA).
“One hundred twenty volunteers are targeted to participate in the study which will commence in early February 2021,” saad pa ni dela Peña.
Tinukoy niya ang Valenzuela City Emergency Hospital at Dalandanan National High School Isolation Facility bilang lugar ng VCO clinical study.
Ayon sa kalihim, idinaos ang final briefing para sa VCO trials nitong Pebrero 1, 2021. Na pinamahalaan ng DOST-NCR, DOST-FNRI, at lokal na pamahalaan ng Valenzuela, sa pamamagitan ng Valenzuela City Emergency Hospital, Valenzuela City Epidemiology and Surveillance Unit, at Dalandanan NHS Isolation Facility.
Sa pagbanggit nang naging pag-aaral kamakailan ng DOST-FNRI, sinabi ng DOST chief na tinukoy ang VCO bilang potential supplement na pumipigil sa paglala ng kondisyon sa mga pasyente na nagkasakit ng COVID-19.
“To evaluate the effects of VCO intake in positive symptomatic and asymptomatic cases, VCO trials in Valenzuela City will serve as a confirmatory study following the completion of the trials in Sta. Rosa Laguna,” aniya.
Matatandaang Disyembre nang nakaraang taon, ibinahagi ni dela Peña na isa pang VCO study ang isasagawa sa Valenzuela City matapos matuklasan ng FRNI team ang bisa ng VCO sa 57 probable at suspected cases sa Santa Rosa Community Quarantine Facility at sa Santa Rosa Community Hospital.