ni Ric Valmonte
“Hindiako nakikinig kay Roque. Mahal ko ito pero wala siyang angkop na kakayahan sa larangang ito. Hindi na tayo babalik sa Hague, baka mawala pa iyong ating napanalunan,” wika ni Foreign Secretary Teddy Locsin sa kanyang Twitter account nitong nakaraang Lunes ng gabi. Ito ang kanyang reaksyon sa sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pwedeng tumungo uli ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea para kwestyunin ang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa kanyang coast guard na paputukan ang mga banyagang barko na lalapit sa kanyang inaaring teritoryo sa South China Sea. Winika naman ito ni Roque nang hingian siya ng kuro-kuro sa suhestiyon ni Supreme Court Justice Antonio Carpio na ang Pilipinas at iba pang bansa sa Southeast Asia ay tumungo sa United Nations tribunal para ipadeklarang walang bisa ang batas. Ang binanggit ni Locsin na baka mawala pa ang napanalunan ng bansa ay ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong Hulyo, 2016 na kinukumpirma ang sovereign rights ng Pilipinas sa bahagi ng South China na inaangkin ng China. Eh mistulang wala na nga ang nasabing desisyon dahil isinantabi na ito ni Pangulong Duterte sa pakikipagkaibigan niya sa China bilang kapalit na ibinigay o ibibigay pa nitong tulong sa kanya. Sa kanyang huling State of the Nation address, inamin niyang inutil siya para ipaglaban ang desisyon.
Ito ang direksyong tinutunton ng administrasyong Duterte sa pakikipag-ugnayan ng ating bansa sa China. Ngayon, magulo na. Noong una, ayaw maghain ng diplomatic protest si Locsin laban sa batas na nilikha ng China para sa kanyang coastguard. Wala, aniya, tayong pakialam dito dahil karapatan ng bansa ang gumawa ng batas. Ilang araw lang ang nakalipas, nagsampa na ng diplomatic protest si Locsin dahil, aniya, nagbabanta ang batas ng digmaan. Ito na ngayon ang nagbubungguang pahayag nina Roque at Locsin hinggil sa ano pang dapat gawin sa batas ng China, bukod sa paghahain ng diplomatic protest. Dahil pinatatahimik ni Locsin si Roque sa ginagawa nitong pagbibigay ng pahayag hinggil sa polisiyang panlabas na, aniya, ay kanyang sakop, ang sagot ni Roque ay: “ Napakahirap para sa akin ang manahimik sa mga bagay na ang Pangulo ay siyang chief architect ng foreign policy.”
Ang nangyayari sa pagitan nina Roque at Locsin ay nagpapamalas na nabulabog na ang landas na tinatahak ng administrasyong Duterte. Mukhang nagkakanya-kanya na ang kanilang pagtugon sa mga bagay na may kaugnayan sa relasyon ng ating bansa sa China. Kasi, dalawang interes ang kanilang pinagbibigyan, ang sa China at Amerika. Nagsalita na ang bagong administrasyon ng Amerika na bukod sa handang ipagtanggol ang Pilipinas laban sa pandarahas, kinikilala lamang nito ang karapatan ng China sa South China Sea ayon sa isinasaad ng Internatinal Law. Parang sinabi ng Amerika na paninindigan nito ang napanalunang desisyon ng Pilipinas sa The Hague kahit inutil si Pangulong Duterte na gawin ito.