Career high kay Oubre; Warriors, lusot sa Mavs

DALLAS (AP) — Bilis at determinasyon ang puhunan ng Golden State Warriors para maibsan ang kakulangan sa players at maitala ang kombinsidong 147-116 panalo laban sa kumpleto at mas matataas na line-up ng Dallas Mavericks nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Isinantabi ni Kelly Oubre Jr. ang mga alingasgas hingil sa nilulutong trade sa naitalang career-high 40 puntos, habang kumana si Stephen Curry ng 28 puntos sa larong siyam na players na hindi tataas sa 6-foot-7 ang inilaban ng Warriors

Hindi nakalaro bunsod ng injuries sina rookie center James Wiseman, back-up center Devon Looney at forward Eric Paschall, habang ibinanaba na sa G League ang mga bench players, kabilang si rookie Jordan Poole.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag si Draymond Green ng 11 puntos at season-high 15 assists, habang tumipa ang tanging 6-foot-7 forward na si Andrew Wiggins ng 17 puntos. Sa kabila nito, nalamangan ng Warriors ang Mavericks sa rebound, 45-42.

Nanguna si Luka Doncic sa Mavericks na may 27 puntos at nag-ambag sina Kristaps Porzingis ng 25, Tim Hardaway, Jr. na may 19 at Jalen Brunson na tumipa ng 18 mula sa bench.

BLAZERS 121, SIXERS 105

Sa Philadelphia, nanaig din ang kulang sa players na Portland TrailBlazers laban sa Eastern Conference leader Sixers.

Kumana si Gary Trent Jr. ng 24 puntos, habang tumipa si Carmelo Anthony ng 22 puntos at humirit si Enes Kanter ng 17 puntos at 18 rebounds para sa Trail Blazers, naglaro na wala ang leading scorer na si Damian Lillard (abdominal strain) at Derrick Jones Jr. (left foot sprain).

Hataw sa Sixers si Joel Embiid na may 37 puntos, habang nagsalansan si Tobias Harris ng 12 puntos at 11 boards. Hindi rin nakalaro sa Sixers si star guard Ben Simmons.

JAZZ 112, HAWKS 91

Sa Atlanta, naisalpak ni Jordan Clarkson ang limang 3-pointers tungo sa kabuuang 23 puntos sa panalo ng Utah Jazz kontra Hawks.

Kumikig din si Bojan Bogdanovic ng 21 puntos at tumipa si Donovan Mitchell ng 18 para sa Utah (17-5).