ni Marivic Awitan
INILABAS ng FIBA (International Basketball Federation) ang bagong schedule para sa Doha bubble ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers.
Base sa schedule, ang tatlong laro ng Philippine national men’s basketball team sa third window ng qualifiers ay idaraos lahat sa Al-Gharafa Sports Club Multipurpose Hall.
Unang makakalaban ng Gilas Pilipinas ay ang Korea sa Pebrero 18 ganap na 10:00 ng gabi dito sa Manila pagkatapos ng unang dalawang laro sa pagitan ng Malaysia at Japan ganap na 4:00 ng hapon at tapatang China - Chinese Taipei ganap na 7:00 ng gabi.
Inaasahang maglalaro na ng kanyang unang laro bilang senior ang dating youth standout af NBA G League Ignite member na si Kai Sotto kung saan makakasama nya ang mga PBA veterans na sina Kiefer Ravena at CJ Perez.
Sunod na laro ng Gilas ay kontra Indonesia sa Pebrero 20 ganap na 4:00 ng hapon na susundan ng laban ng Korea at Thailand ganap na 7:00 ng gabi.
Ang huli at ikatlong laro ng Gilas ay ang ikalawang salpukan nila ng Korea sa Pebrero 22 na muling idaraos ganap na 10:00 ng gabi.