ni Jeffrey Damicog
Nagsasagawa na ngayon ng malalimang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y iligal na paggamit ng umano’y pekeng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) na posibleng nakapasok na sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarram kahapon.
“I suppose that in the investigation being conducted by the NBI on the alleged entry and distribution of unregistered COVID-19 vaccines in the Philippines, the possible existence of fake vaccines among those being sold underground is included,” paliwanag ni Guevarra.
Iniutos mismo ni Guevarra sa NBI ang paglulunsad ng pagsisiyasat sa usapin.
Gayunman, ipinaliwanag nito na wala pa siyang natatanggap na latest report mula sa NBI kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.
Nitong Enero 1, iniutos ni Guevarra sa NBI na mag-imbestiga kaugnay ng naiulat na pag-aangkat, pagbebenta, pamamahagi at panunurok ng COVID-19 vaccines dahil walang pahintulot ito sa
Food and Drug Administration of the Philippines.
Sa nasabing kautusan, pinakakasuhan nito ang sinumang sangkot sa usapin kapag may ebidensya.
Nag-ugat ang pagpapalabas ni Guevarra ng direktiba kasunod na rin ng pagsasapubliko ni Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus Durante III na nakakuha na sila ng bakuna at nabakunahan na rin upang maiwasang mahawaan ng virus si Pangulong Rodrigo Duterte.