ni Ric Valmonte
Nito lang Martes, sinimulan nang dinggin ng Korte Suprema ang 37 petisyong laban sa Anti-Terrorism Act sa kabila ng pagnanais ng Office of the Solicitor General na ipagpaliban itong muli. Ang kanyang hiniling sa Korte ay huwag nang daanin sa oral argument ang pagdinig sa mga petisyon kundi sa memorandum na lang na isusumite ng magkabilang panig pagpapasiyahan ang mga ito. Pero, hindi pinagbigyan ng Korte ang kahilingan ng OSG at itinakda nga ang pagdinig noong Martes at sa susunod pang mga araw. Kapag mahina ang posisyong ipagtatanggol ng isang abogado o mahina itong magpahayag ng kanyang ipinaglalaban, pinakamagandang paraan ay sa memorandum mo na gawin ito, na siyang unang nais mangyari ni Solicitor General Jose Calida. Bakit nga naman hindi gagawin ito ni Solgen Calida, eh bukod sa haharapin niya ang marami at magagaling na abogado, sasanggahin pa niya ang mga tanong na magmumula sa 15 mahistrado ng Korte. Mahahayag ang kahinaan ng kaso o ang kanyang kahinaang ipagtanggol ito. Matalim magtanong ang mga mahistrado sa layuning mapalinaw ang mga pinaglalabanang isyu.
Hindi pa naman gaanong katagalan nang sumapit na naman tayo sa ganitong yugto ng ating kasaysayan. Iniaasa na naman ng sambayanan sa Korte Suprema ang kanilang kaligtasan at mga demokratikong karapatan. Sa panahong ngayon na nanganganib ang taumbayan sa mikrobyong nakamamatay, katunayan nga ay marami na ang namatay, nanganganib din sila sa mikrobyo ng kalupitan ng mga taong sakim at makasarili, makakaasa kaya sila na sila ay mapapangalagaan?
Kaunaunahan sa kasaysayan na ang batas na nilikha ng Kongreso at inaprobahan ng Pangulo ay pinutakte ng mga petisyon upang ibasura ito. Ang 37 petisyong ito ay isinampa ng iba’t ibang sektor ng lipunan na nagbuhat sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasi naman, ayon sa mga abogado ng mga petitioner, ang terrorism law ay ang pinakamasang batas na ipinasa ng Kongreso mula 1987 Constitution na niratipikahan ng mamamayang Pilipino isang taon pagkatapos nilang buwaging ang diktadura. “Mula noong 1987, walang batas na nilabag ang mga napakaraming karapatang nakasaad sa Saligang Batas at pagbantaang bawasan ang kapangyarihan ng hudikatura sa pamamagitan ng diretsong pagalis nito at ibigay sa ehekutibo,” wika ni Atty. Alfredo Molo IIIna tumayong abogado nina dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Conchita Carpio Morales sa pagsaaslarawan niya sa Anti-Terrorism Act. Ang binanggit niyang kapangyarihan ng hudikatura ay ang pagaresto sa mga pinasususpetsahang terorista na ibinigay ng batas sa Anti-Terrorism Council na binubuo ng mga Cabinet secretaries. Paglabag ito sa separation of powers, ayon kay Cong. Edcel Lagman na abogado ng ibang petitioner.
Noong panahon ng diktadura, matiyagang nagpupunta sa Korte ang sambayahan upang ipaabot ang kanilang hinaing, na siyang ginagawa nila ngayon. Subalit nang maging inutil na ang Korte, ang mamayan, sa kanilang pagkakaisa at sariling lakas, ginawaran nila ng katarungan ang kanilang kaapihan. Ganito ang magaganap lalo na kung ang mga kasong ipinababasura ang mapaniil na batas ay siyang mababasura sa isyu lamang ng teknikalidad.