KAAGAD na kinalambag ni Filipina tennis sensation at Globe ambassador Alex Eala ang batingaw para sa kampanyang makamit ang ikalawang international title nang magwagi sa opening day ng 3rd and final leg ng Rafael Nadal Academy International Tennis Federation (ITF) World Tennis Tournament nitong Huwebes sa Manacor, Spain.
Magaan na ginapi ng 15- anyos na si Eala si homegrown netter Ana Lantigua de la Nuez sa straight sets 6-0, 6-2.
Kasalukuyang Ranked no. 52 sa ITF at 675th sa Women’s Tennis Association (WTA), tila natupe ng maaga si Lantigua de la Nuez na hindi nakabawi sa matutulis na baseline shot ng Pinay phenom.
Sunod na makakaharap ni Eala ang magwawagi kina top-seeded French Margot Yerolymos at Germany’s Silvia Ambrosio.
Nakamit ni Eala, Globe Ambassador mula pa noong 2013, ang kauna-unahang singles title sa ITF nang magwagi sa first leg ng tournament. Umabot siya sa quarterfinals sa second leg.
Kasalukuyang ranked number 3 sa ITF juniors si Eala na isang iskolar sa Rafa Nadal Academy mula noong 2018.