ni Dave M. Veridiano, E.E.
SA mga alagang tanim ng waswit kong plantita, may isang namumukod tangi na paboritong lapitan ng mga naglalakad na agad nanghihingi at pumipitas ng dahon nito. Yung iba pa nga, ang gusto may kasamang ugat para maitanim din nila. Nakaiinggit daw kasi ang lusog ng aming “medicinal plant” na kahit araw-araw ay may nanghihingi, animo ‘di ito nababawasan bagkus lalo pang lumalago.
Naiintriga ako sa katagang “medicinal” pero mas lalo pa nang makakita ako sa supermarket ng bote garapa ng spice herbs na may label na OREGANO-- ang natatandaan kong tawag ng mga nanghihingi sa amin ng naturang halaman.
Ang finale, nang makasabay ko sa sari-sari store ang isang madalas manghingi sa akin ng dahon ng halamang Oregano, wari’y gulat na gulat siya sa paghahanap ko ng insect repellant. Sinabihan niya akong ‘di na kailangang bumili ng nito dahil ‘yung dahon lang ng halamang madalas niyang hingiin sa akin ay napaka-epektibong pantaboy ng pesteng insektong gaya ng lamok.
Sa loob-loob ko — aba’y sobra na ito. Ang halaman namin pwedeng palang medicinal plant, pansahog sa ulam at pantaboy pa ng insekto…baka naman meron pang iba, kaya ‘di na ako nagpatumpik-tumpik at inumpisahan kong alamin kung anu-ano pa ang gamit nito.
Pero bago ako kumunsulta sa mga medical expert, inisa-isa ko munang tinanong yung mga suki kong nanghihingi ng Oregano kung saan nila ito ginagamit, gaano katagal nang gamit, at saan natutuhan ang paggamit.
Magkakapareho halos ang sagot nila at malaki ang tiwala sa halamang gamot, na anila’y nakagagaling sa mga sakit na gaya ng matinding pag-ubo, hika, masakit na lalamunan, kabag, sakit ng ulo, kagat ng insekto, paso sa balat, pigsa at pananakit ng tenga. Ang paggamit ng Oregano bilang gamot ay natutuhan pa raw nila sa kanilang mga Lolo at Lola noong nabubuhay pa ang mga ito. Ang pamamaraan ay halos magkakaparehong nag-uumpisa sa pagdurog sa dahon na may mabangong amoy, at ang katas nito ang siyang ginagamit na panggamot sa apektadong parte ng katawan ng maysakit. Yung iba isinasama nila ang katas sa concoction na animo juice na ipinaiinom sa may sakit.
Ganito ang kanilang simpleng preparasyon sa halamang gamot na Oregano: Pakuluan ang isang tasa ng sariwang dahon ng Oregano sa tatlong tasang tubig sa loob ng 15 minuto. Para sa ubo at sipon, inumin ito ng tatlong beses sa isang araw. Para naman sa pigsa, sugat, o kagat ng insekto, dikdikin ang mga dahon at ipahid ang katas sa apektadong bahagi ng katawan, isang beses isang araw.
Ang kapitbahay ko namang mahilig na magluto, gamit niya raw palagi ang Oregano tuwing siya’y nag-aadobo. Iba raw ang amoy at lasa ng kanyang adobo kapag may sahog na dahon nito. Naisip ko tuloy na kaya pala may imported na bote garapang spice herbs na ang tatak ay OREGANO– masarap pala itong pansahog!
Sa mga nabasa kong banyagang artikulo hinggil sa Oregano, na ang scientific name ay Origanum Vulgare, ito ang tumimo sa aking isipan: “Oregano is used for respiratory tract disorders such as coughs, asthma, croup, and bronchitis. It is also used for gastrointestinal (GI) disorders such as heartburn and bloating. Other uses include treating menstrual cramps, rheumatoid arthritis, urinary tract disorders including urinary tract infections (UTIs), headaches, and heart conditions.”
Maliwanag na sa akin na kaya dumarami ang suki kong nanghihingi ng Oregano ay dahil ginagamit nila itong maagap na panlaban sa mga pangkaraniwang sakit – sipon, ubo at sore throat -- na itinuturing na kasama sa mga sintomas ng COVID-19.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]