Ni GENALYN KABILING

Tumindi pa ang ‘word war’ sa pagitan nina Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at dating government adviser Dr. Anthony Leachon.

Ito ay nang isapubliko ni Panelo na dati nang nag-apply si Leachon bilang Kalihim ng Department of Health (DOH).

“Doctor Tony, tanggi ka pa nang tanggi na wala kang plano o gusto maging opisyal ng gobyerno. O hindi mo pa maamin. Eh sa akin ka nagpadala ng application gusto mo maging Secretary of Department of Health,” pagdidiin ni Panelo nang sumalang sa kanyang “Counterpoint” program, nitong Sabado.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Gusto mo pa yata ipakita ko sa screen ‘yung application mo sa akin naka-address o naka-address kay Presidente through me. Gusto mo ‘yun? Ayaw naman kitang ipahiya. Eh wala naman masama na gusto mo ng posisyon. Karapat-dapat ka pero huwag mo... mag-cooperate ka na lang,” banta ni Panelo.

Dapat aniyang subakan ni Leachon na maging politiko dahil sa madalas na pagkomento sa mga usapin.

Lumilikha lamang aniya si Leachon ng pangamba kaugnay ng hakbang ng pamahalaan laban sa pandemya ng coronavirus disease 2019, kabilang ang planong vaccination program nito.

“I’m calling you out for creating more doubts at sumasakay ka sa issue. Lahat na lang pinapasukan mo. Hindi ko naman maintindihan. Eh mag-politiko ka na lang kaya. Tumakbo ka na lang. Hindi ‘yung kung anu-ano yung pinapalabas mo,” pagdidiin pa ni Panelo.

Nag-ugat ang usapin nang punahin ni Leachon ang pamahalaan dahil sa pagkukulang nito sa mga hakbang laban sa pandemya hanggang sa sisihin siya ni Panelo na “ginagatungan” usapin upang lalong mangamba ang publiko sa programang pagbabakuna ng gobyerno kontra COVID-19.