HINDI kinakailangang magsuot ang publiko ng ‘double’ face mask sa kabila ng deteksyon ng B.1.1.7 SARS-CoV-2 (United Kingdom variant) sa bansa, pahayag ng Department of Health.
Sa Laging Handa briefing nitong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang bisa ng pagsusuot ng ‘double’ face mask o dalawang face mask nang sabay ay hindi pa napatutuyan.
“Makikita ho natin, ito pong paggamit natin ng (As we can see, the use of) facemask which provides us about 60 to 70 percent protection, plus the face shield and physical distance will provide us about 99 percent protection,” ani Vergeire.
Dagdag pa ng opisyal, epektibo naman ang kasalukuyang ipinatutupad na pagsusuot ng face mask at face shields at mas matutugunan ng bansa ang pandemya kung susunod ang bawat isa sa health standards.
Ani Vergeire, patuloy na ipinatutupad ng DoH at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang naturang protocols.
Isang taon matapos makumpirma ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni Vergeire na nananatiling prayoridad ng DoH na mapababa ang kaso gayundin ang bilang ng mga namamatay sa sakit.
Sa posibilidad na nalalapit na pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa, sinabi ni Vergeire na mataas ang pag-asa ng DoH na higit itong makatutulong sa pamamahala sa sitwasyon ng COVID-19 kasama ng safety protocols.
Siniguro rin niya sa publiko na sa pagtugon ng pamahalaan, kasama ang malaking tulong mula sa mga local government units, makakukuha ang bansa ng sapat na bilang COVID-19 vaccine doses para sa lahat.
Ipinaalala rin niya na ang pagkuha ng bakuna kontra COVID-19 ay hindi isang karera.
Batid din, aniya, ng pamahalaan na isa itong matinding pangangailangan upang malabanan ang COVID-19 ngunit sinisiguro nila na ang bakunang darating sa bansa at ipapamahagi sa mga tao ay ligtas at mabisa.
“Tayo po naman ay mag-uumpisa na rin soon ‘no, so kailangan lang po talaga ang pakikipagtulungan ng lahat ng ating mga kababayan dito sa gagawin nating bakunahan para sa kanila,” saad pa ni Vergeire.
Samantala, ibinahagi ni Vergeire na hindi pa natatanggap ng ahensiya ang genome sequencing test results ng kaso ng UK variant sa Bontoc, Mt. Province.
Siniguro rin niya na agad ilalabas sa publiko ang resulta kapag available na ito.
PNA