INANUNSIYO ng Manila Water nitong nakaraang linggo na sinimulan na nito ang malawakang paglilinis ng San Juan River sa ilalim ng isang kasunduan sa gobyerno at tatlong lokal na pamahalaan ng San Juan, Mandaluyong, at Quezon City.
Ikinalulugod natin ang anumang pagsisikap na malinis ang maraming ilog at mga daanan ng tubig na dumadaloy sa lahat ng bahagi ng Metro Manila, na karamihan ay dumadaloy sa Pasig River hanggang sa Manila Bay. Sinasabing ang San Juan River at mga kaugnay nitong daluyan ay isa sa mga polluted na ilog sa East Zone ng Metro Manila.
Sinabi ni Manila Water President at CEO Jose Rene Almendras na bilang bahagi ng pangkalahatang pagsisikap, ipatutupad ng kumpanya ang isang flow improvement project sa Ermitanyo Creek upang masiguro na dumadaloy ang tubig sa buong taon kahit sa panahon ng tag-init. Ang Ermitanyo ay isa sa apat na creeks na dumadaloy patungong San Juan River, kasama ang Maytunas, Buhangin, at Buayang Bato.
Plano rin ng kumpanya na pasimulan ang isang river waste treatment project upang mapababa ang bacteria content ng ilog, regular na desludging, at periodic water quality monitoring. Ang mga engineering approaches na ito ay kailangang sabayan ng social approaches, upang masiguro ang partisipasyon ng komunidad sa programa.
Anumang proyekto na linisin ang anumang bahagi ng Metro Manila river system ay isang magandang balita, ngunit marami at malaki ang problema. Ilang dekada na ang polusyon sa buong river system ng Metro Manila. Sa lumipas na maraming taon, dumagsa sa Maynila ang mga tao mula probinsiya sa paghahanap ng mas magandang buhay, na nanirahan sa gilid ng daan-daang daluyan ng tubig na tumutuloy sa Ilog Pasig. Ibinubuhos ng mga kabahayan at pabrika ang kanilang basura, kabilang ang sewage, sa mga daluyang ito. Nagsimulang maglaho ang mga isda noong 1930s, habang ipinagbawal ang paliligo noong 1980s. At idineklarang biologically dead ang Ilog Pasig noong 1990s.
Taong 2009, inaksyunan ng Korte Suprema ang problema, nang bigyan nito ng direktiba ang Department of Environment and Natural Resources kasama ang 12 iba pang ahensiya ng pamahalaan upang linisin ang Manila Bay. Sa panahong ito, lumala na ang problema higit sa anumang cleanup at rehabilitation project.
Ang proyekto ng Manila Water na paglilinis ng San Juan River ay nakatuon lamang sa isang maliit na bahagi ng Metro Manila. May 20 mga estero at creek sa North Metro Manila at 22 sa South Metro Manila. Ilan sa mga ito ang nagtatambak ng tubig sa Laguna de Bay sa silangan, ngunit karamihan ay tumutuloy sa kanluran patungong Manila Bay.
Sa mga lumipas na taon, maraming daluyan ng tubig at mga creek at estero ang nalinis na mula sa mga naglulutangang basura mula sa mga kusina, ngunit ang polusyon mula sa ‘untreated sewage’ – ang uri na dumadaloy mula sa milyon milyong mga palikuran—ay nananatili.
Ikinalulugod nating mabatid ang ManilaWater project para sa San Juan River sa East Zone ng Metro Manila. Bawat pagsisikap ay nakatutulong, gaano man kalaki ang buong problema. Ngunit umaasa tayo na ang iba pang pribadong kumpanya na may interes sa malinis na tubig, malinis na hangin, malinis na kapaligiran, ay makikipagtulungan sa DENR upang malinis ang maraming iba pang bahagi ng Metro Manila na ngayong lugmok sa polusyon.