ISANG nakapanlulumong balita hinggil sa ekonomiya ng Pilipinas ang bumangad sa atin nitong nagdaang linggo—naitala ng bansa ang worst economic contraction record noong 2020 –na 9.5 porsiyento—dulot ng COVID-19 pandemic, isiniwalat ng National and Economic Development Authority (NEDA) at ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Gayunman, sa kaparehong araw, inihayag ng international credit-rating agency –ang S&P Global Ratings, na nakabase sa United States –na maaaring lumutang ang ekonomiya ng Pilipinas bilang isa sa fastest-growing economies sa rehiyon at makabagon na may 9.6 porsiyentong paglago ngayong taon at 7.6 porsiyento sa susunod na taon.
Mapanglaw ang taong 2020 para sa ekonomiya ng Pilipinas—gayundin para sa iba pang ekonomiya sa mundo. Ang economic contraction ng bansa ay pinakamalala mula nang masimula ang pamahalaan sa pangangalap ng datos para sa taunang GDP noong 1946.
Nagsimulang bumagsak ang ekonomiya ng bansa ng ipatupad ang economic restrictions noong Marso 2020, nang magsimulang kumalat ang COVID-19 virus sa buong mundo matapos itong unang umusbong sa China noong Disyembre 2019. Noong Marso, natigil ang ekonomiya ng bansa, sa pagsasara ng lahat ng uri ng industriya at negosyo at ipag-utos sa mga tao ang pananatili sa bahay upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Umurong ang ekonomiya nang 16.9 porsiyento sa ikalawang kuwarter, Abril-Mayo-Hunyo, sa pagpasok ng bansa sa pinakamahigpit na lebel ng community quarantine. Ilang negosyo ang nagsimula muling magbukas sa ikaapat na kuwarter ng Oktubre-Nobyembre-Disyembre. Natukoy ngayon ng NEDA na para sa buong taon ng 2020, bumagsak ang ekonomiya ng 9.5 porsiyento.
Bumalanse naman sa nakapanlulumong balita nitong nagdaang linggo ang pagtataya ng S&P Global Ratings na maaaring malakas na makabangon ang Pilipinas ngayong 2021 na may paglagong 9.6 porsiyento ngayong taon, pangalawa sa Vietnam na may 10.9 porsiyento, ngunit nakaaangat sa Malaysia na may 7.5 porsiyento, Singapore na may 6 porsiyento at Thailand na 5 porsiyento.
Ayon pa sa S&P, pagsapit ng 2022, maaaring maitala ng Pilipinas ang top GDP growth sa rehiyon, mas mataas kumpara sa Vietnam na 6.8 porsiyento, Indonesia at Malaysia na 5.2 porsiyento, Thailand na 3.9 porsiyento, Singapore 3 porsiyento, at Taiwan na 2.5 porsiyento.
Pagbabahagi pa ng S&P, nananatiling ang pandemya ang ‘key risk factor’ na kahaharapin ng Asia-Pacific sa mga susunod na buwan. Ngunit ang outlook sa mga bansa sa Asia-Pacific ay nananatiling ‘generally stable’.
Nananatiling isang malaking banta ang COVID-19 sa maraming bahagi ng mundo, ngunit tayo sa Southeast Asia ay mas maayos na nakatutugon laban sa virus. Patuloy tayong nag-iingat sa pamamagitan ng mga restriksyong nakadisenyo upang mapababa ang impeksyon. Kamakailan lamang ay inanunsiyo ng Malacanang ang pananatili ng Metro Manila sa ilalim ng General Community Quarantine para sa buong buwan ng Pebrero.
Maliban sa ilang mga bagay, natuto na tayong mamuhay sa gitna ng COVID-19 virus. Nananatili ang ilang restriksyon, ngunit sa pangkalahatan, hinaharap ng Pilipinas ang bagong taon nang may malaking pag-asa at ekspektasyon. Kasama ng Vietnan, maaaring manguna pa tayo sa Southeast Asia—tulad sa prediksyon ng S&P Global – sa pagbangon ng ekonomiya ngayong taon at sa 2022.