SA puwit (puwet) o sa braso? Iyan ang katanungan. Ito ay tungkol sa pahayag ni presidential spokesman Harry Roque na payag si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na unang magpabakuna, pero hindi isasapubliko dahil sa buttocks o puwit siya magpapaturok.
Sabi ni Dick Pascual, columnist ng PhilStar: “Ang gusto ni Pangulong Duterte na turukan siya ng COVID-19 vaccine sa puwit ay hindi lang unpresidential kundi unprecedented pa.” Ikaw naman, Dick hindi ka na nasanay sa pagbibiro ng ating Pangulo!
Sina US Pres. Joe Biden, Russian Pres. Vladimir Putin, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong at IndonesianPres. Joko Widodo ay isinapubliko ang pagtuturok ng bakuna sa braso. Hindi sa puwit. Maging si Pope Francis na 84 anyos na ay sa braso rin binakunahan.
Kaugnay nito, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na ang pagtuturok sa buttocks ng COVID-19 vaccines, gaya ng kagustuhan ni Mano Digong, ay posible at hindi makaaapekto sa bisa o efficacy ng bakuna. Aniya, ang COVID-19 vaccines ay “intramuscular” at puwedeng iturok sa mga mucle ng katawan.
Ipinaliwanag ni Duque na ang bahagi ng masel o muscular body part ay maaaring ang pigi (thigh) o ang buttocks kung hindi puwedeng gawin ang pagtuturok sa braso. Magkasabay na pahayag ng dalawa kong kaibigan: “ Bakit sa puwit eh puwede naman sa braso? Natatakot ba siya? Puwede naman niyang sabihin na dahil sa edad ko, alanganin akong magpaturok ng bakuna.” Tapos ang kuwento.
Parang mas gusto ng pribadong sektor na ang bilhin nila ay Moderna na gawa ng American drug maker. Una rito, may kasunduan na sa pagbili ng COVID-19 vaccines na gawa ng British pharmaceutical company AstreZeneca. May mga grupo na ring handa sa pagbili ng mga ito.
Sinabi ni MVP chairman Manuel V. Pangilinan, may naririnig silang darating ang susunod na batch ng mga bakuna mula sa Moderna. Ang MVP group ay kalahok sa pagbili ng mga bakuna, na ilalaan nila sa mga empleado at pamilya, at maging sa may pasyente sa kanilang mga ospital. Handa rin silang mag-donate ng bakuna sa gobyerno.
May mga nagtatanong kung talaga bang kaibigan ng Pilipinas ang China. Sumulpot ang katanungang ito bunsod ng mga report na hinaharang na naman ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy malapit sa Kalayaan Island na saklaw ng teritoryo ng bansa.
Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na naghain siya ng diplomatic protest laban sa China dahil sa bagong batas na pinagtibay na nag-aawtorisa sa Coast Guard nito na paputukan ang foreign vessels sa East China at South China Sea (West Philippine Sea).
Dahil umano sangkot dito ang mga lugar sa WPS, ito ay isang banta sa alinmang bansa na kapag hindi hinamon, ay maituturing na submission o pagyukod sa nasabing batas ng China. Binira ni ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na paputukan ang mga dayuhang barko.
Siyanga pala, ang Pasig City ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa bansa ang nagkaroon ng aprubadong COVID-19 vaccination plan. Ito ang ibinalita ni Mayor Vico Sotto. “Sinabihan ako na ang Pasig ang unang LGU na may vaccination plan, ang inaprubahan ng Department of Health at ng World Health Organization.” Sige, Mayor Vico, magpapabakuna kami ng ex-GF ko kapag may bakuna na!
-Bert de Guzman