SIYAM sa bawat sampung Pilipino ang naniniwala na mas magiging maayos ang kondisyon ng mga kalsada sa siyudad at munisipalidad sa Pilipinas kung ang pampublikong transportasyon, mga bisikleta at mga pedestrian ay binibigyan ng prayoridad higit sa mga pribadong sasakyan, base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Biyernes.
Isinagawa ang survey noong Nobyembre 21-25, 2020 sa 1,500respondents kung saan 87 porsiyento ang sumang-ayon habang anim na porsiyento ang ‘di sumang-yon na mas makabubuti kung bibigyan ng prayoridad ang mga pampublikong transportasyon, bisikleta at mga pedestrians kumpara sa mga pribadong sasakyan.
Katumbas ito ng “very strong” net agreement na +81 (percentage of those who agreed minus percentage of those who disagreed).
Ang SWS terminology para sa net agreement ay ang sumusunod, +50 pataas (very strong), +30 hanggang +49 (strong), +10 hanggang +29 (moderate), +9 hanggang -9 (neutral), -10 hanggang -29 (poor), -30 hanggang -49 (weak), at -50 pababa (very weak).
Sa kaparehong survey period, natuklasan ng SWS survey na 85 porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon habang 8 porsiyento ang ‘di sang-ayon na “it is possible for my city/municipality to become a great place for walking and cycling.”
Nagbibigay ito ng net agreement score na +77, na katumbas sa SWS bilang “very strong.”
Ang dalawang survey questions hinggil sa pampubliko at alternatubong porma ng transportasyon ay sponsored ng Department of Health.
Ayon sa SWS, ang net agreement na ang mga kalsada sa Pilipinas ay mas magiging maayos kung bibigyan ng prayoridad ang mga pampublikon transportasyon, bisikleta at pedestrians higit sa mga pribadong sasakyan ay “very strong across the board.”
Mas mataas ito sa Visayas (+88) at Metro Manila (+85) kumpara sa Mindanao (+80) at natitirang bahagi ng Luzon (+78), at slightly higher sa urban areas (+85) kumpara sa rural areas (+78).
Mas mataas din ito sa classes D (+83) at ABC (+82) kumpara sa class E (+74).
Samantala, sinabi ng SWS na ang net agreement na “it is possible for my city/municipality to become a great place for walking and cycling” ay “very strong” sa lahat ng basic demographics.
Mas mataas ito sa Visayas (+85) at sa natitirang bahagi ng Luzon (+82) kumpara sa Metro Manila (+75) at Mindanao (+62).
-Ellalyn De Vera-Ruiz