Isang caravan protest, na tinatawag na ‘Busina Laban sa Jeepney Phaseout’, ang ikakasa ng iba’t ibang transport group sa bansa bukas, Pebrero 1.

Ito’y kasunod anila nang patuloy na panggigipit ng pamahalaan sa kanilang kabuhayan mula pa nang magsimula ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang sa mga lalahok sa caravan ang UP Transport Group, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Pinag-isang Samahang Driver Operator Pasig-Pateros-Marikina (PISDOPAMMA), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), at iba pang grupo, katulad ng League of Filipino Students -UP Diliman.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sisimulan ang aktibidad ganap na 12:00 ng tanghali sa pamamagitan ng isang pagtitipon sa Quezon Hall ng UP Diliman.

Sabay-sabay din silang magtutungo Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Main Office sa East Avenue, Quezon City para magkasa ng kilos-protesta.

Dito inaasahang muling igigiit ng mga naturang grupo ang kanilang pagtutol sa jeepney phaseout na anila ay papatay sa kabuhayan ng mga tsuper.

Nilinaw naman ni ACTO national president Efren de Luna na hindi naman sila tumututol sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

Gayunman, hindi aniya kailangang idikta ng pamahalaan kung anong uri ng sasakyan ang maaari nilang ipalit sa kanilang mga lumang jeepney.

Sa ilalim anila ng jeepney modernization program, mapipilitan ang mga tsuper at operator na magpalit ng e-jeepney na nagkakahalaga ng P1.3 milyon hanggang P2.4 milyon, na napakabigat anila sa kanilang bulsa.

Kaugnay nito, patuloy namang hinihimok ng mga naturang transport groups ang publiko, lalo na ang mga commuter, na araw-araw na sumasakay ng jeep, na suportahan ang kanilang ipinaglalaban.

-MARY ANN SANTIAGO