Simula sa Pebrero, mananatili pa rin sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque.

Bukod sa National Capital Region, isasailalim din sa GCQ ang Batangas at Cordillera Administrative Region (CAR) na kinabibilangan ng Abra, Apayao, Benguet, Baguio City, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province sa Luzon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nasa ilalim naman ng GCQ ang Tacloban City sa Visayas, Davao del Norte, Lanao del Sur, at Iligan City sa Mindanao.

Ang Santiago City, Ormoc City ay isasailalim naman na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) maging ang iba pang lugar na hindi nabanggit.

“The abovementioned risk-level classifications will take effect starting Monday, February 1 until February 28, 2021,” sabi ni Roque.

Nauna nang inihayag ng pamahalaan na isa sa pinagbabatayan sa pagdedesisyon sa pagluwag ng community quarantine at age restrictions ay ang bago at marami pang pagkahawa sa United Kingdom (UK) variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Gayunman, nilinaw ni Roque na wala pang conclusive data na nagsasabing lumalaganap na ang UK variant sa Pilipinas.

“Wala pa pong conclusive na datos na nakukuha kung prevalent na po ang UK variant sa Pilipinas,” aniya pa.

Kaugnay nito, pinalawig pa ng pamahalaang lungsod ng Tuguegarao sa Cagayan ang ipinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) mula Enero 29 hanggang Pebrero 4.

Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na ang nasabing hakbang ay inilabas ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on COVID-19 batay na rin sa rekomendasyon ng City Health Office (CHO) bunsod ng pagtaas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa lugar.

Ayon sa kanya, mula Enero 6-20, umaabot na sa 16 ang nahahawaan at mula Enero 20-28, tumaas pa sa 23 ang bilang ng kaso nito.

Unang ipinairal ang ECQ sa lugar noong Enero 20 hanggangn Enero 29 matapos umabot sa 246 ang aktibong kaso ng virus, karamihan ay local transmission sa 30 na barangay.

-Argyll Cyrus Geducos, Beth Camia at Liezle Basa Iñigo