Sa kanyang recorded public address sa bayan nito lang Lunes ng gabi, siniguro na naman ni Pangulong Duterte na walang korupsyon sa ginagawang pagbili ng bansa ng bakuna laban sa COVID-19. Inulit na naman niya ang mga nauna niyang pahayag na imposibleng magkaroon ng korupsyon dahil daraan muna ang pagaaproba ng bilihan kay Finance Sec. Dominguez at ultimo sa kanya. Puro, aniya, papeles at walang salapi na mapapasakamay nila. Ito nga ang nais na maremedyuhan ng karapatan ng mamamayan na makaalam at tungkulin ng mga nasa gobyerno na ihayag sa kanila ang anumang transaksyong papasukin nito lalo na kung sangkot dito ang kanilang salapi. Ang problema sa paulit-ulit na pahayag ng Pangulo na walang korupsyon ay laway lamang ang sasandigan ng taumbayan. Magtiwala lamang sila sa kanya.
Sa parehong okasyon, sinabi ng Pangulo kung ginamit lang niya ang kanyang posisyon at kapangyarihan ay baka hindi siya gaya ngayon. Marami na, aniya, akong pera kung ako ay nagnakaw dahil 23 anyos pa lang ay nasa gobyerno na ako. Totoo naman na ang Pangulo ay naging opisyal ng Davao City, naging prosecutor, mayor at congressman. Pero, hindi naman ito katibayan para paniwalaan siya na hindi siya sangkot sa anomalya. Isyu ito nang kredibilidad.
Yamang inungkat ng Pangulo ang kanyang nakaraan na, aniya, ay nagpayaman sa kanya kung kanya itong sinamantala, ganito rin ang gawin natin doon sa nais niya sa bayan na magtiwala sa kanya na walang korupsyon sa bilihan ng bakuna. Ungkatin din natin ang nakaraan bago at pagkatapos ng nakaraang presidential election. Bago at pagkatapos ng halalan, ibinunyag ni dating Sen. Trillanes na may 2 bilyong pisong tagong yaman ang Pangulo. Alam ng dating Senador ang bangkong kinalalagyan nito at ang hinihingi niya lang sa Pangulo ay bigyan siya ng waiver upang mahalukay niya ito. Subalit ayaw niyang magbigay, kaya hanggang ngayon ay bukas na isyu pa rin ito. Ipinangako niya na bago maghalalan ay ipagtatanggol niya ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea at ipaglalaban ang napanalunan nitong arbitral ruling laban sa China. Nang maupo na ang Pangulo, pinakamkam niya sa China ang teritoryong na sa West Philippine Sea. Bukod dito, maluwag niyang pinapasok ang mga Intsik sa bansa at ang kanilang communication facilities ay nasa loob ng kampo ng ating mga sundalo. Hanggang ngayon, walang tigil ang pagpasok ng mga tone-toneladang ilegal na droga. Ipinangako ng Pangulo na wawakasan
niya ito sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan at marami nang namatay na halos mga dukha sa pagpapairal niya ng war on drugs. Kung meron mang napatay na drug lords mabibilang lamang ang mga ito samantalang sila ang nakapagpapapasok ng droga sa bansa. Mahirap panaligan ang Pangulo sa ipinangangalandakan niyang walang korupsyon sa pagbili ng bakuna laban sa pandemya maliban sa Pulse Asia, na sa kanyang survey ay may 91% approval rating ang Pangulo, ang naniniwala.
-Ric Valmonte