MALLORCA, Spain – Umusad ng isang hakbang sa target na ikalawang ITF title si Filipino tennis prodigy at Globe Ambassador Alex Eala nang gapiin ang No.2 seed na si Mirjam Bjorklund ng Sweden, 6-4, 3-6, 6-3, nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila) sa opening round ng Rafael Nadal Academy ITF World Tennis Tournament’s second leg dito.
Humulagpos kay Eala ang pagkakataon na tapusin ang karibal sa regulation, ngunit nagpakatatag sa third set para maisaayos ang second round match laban sa local bet na si Alba Carrillo.
Ipinamalas ni Eala ang kasanayan at katatagan sa harap ng mas beteranong si Bjorklund, kasalukuyang No.298 sa Women’s Tennis Association (WTA) world ranking.
Tangan ni Bjorklund ang anim na singles titles at isang doubles crown sa International Tennis Federation (ITF) Women’s circuit.
Sa third set, kaagad na humirit si Eala para sa 2-0 bentahe, subalit nagawang makadikit ni Bjorklund sa 4-3. Sa dikdikang sitwasyon, pinatunayan ni Eala na handa na ang kanyang kaisipan at sapat ang lakas sa krusyal na sandali tungo sa panalo.
Tinanghal ang 15-anyos Globe Ambassdor na kauna-unahang Pinay na nagwagi ng singles title sa ITF professional circuit nang malusutan ang beteranang si Yvonne Cavalle-Reimers ng Spain, 5-7, 6-1, 6-2 sa final ng first leg. Nananatiling walang talo ang marka ni Eala sa 2021.
Kasalukuyang world No.3 si Eala sa ITF junior list at ranked 1,190th sa WTA.