TULAD ng inaasahan, inihalal ng magkakasanggang volleyball stakeholders ang kontrobersyal sports personality na si Ramon ‘Tatz’ Suzara bilang pangulo ng bagong sports association sa volleyball – Philipine National Volleyball Federation (PNVF).

Kasama ring nailuklok sa isinagawang election na inorganisa at pinanghimasukan ng Philippine Olympic Committee (POC) nitong Lunes sa East Ocean Seafoods Restaurant sina Ariel Paredes (Chairman), Arnel Hajan (Vice President), Donaldo Caringal (Sec Gen), Rod Roque (Treasurer) at Yul Benosa (Auditor).

Kabilang naman sa Board sina Ricky Palou, Tony Boy Liao, Karl Chan, Carmela Gamboa, Charo Soriano, Fr. Vic Calvo at Atty. Wharton Chan, ang kasalukuyang legal councel ng POC.

May kabuuang 31 balota ang nabilang sa nasabing eleksiyon at nagwagi si Suzara ‘unopposed’. Hindi nakilahok ang PVF, sa pangunguna ng pangulo nitong si Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada, gayundin ang ilang opisyal ng Philippine Super Liga (PSL) na dating kinabibilangan ni Suzara.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bumitaw si Suzara sa PSL matapos ang hindi pagkakaunawaan sa aspeto ng pinansiyal sa kasamang opisyal na si Dr. Ian Laurel na nauwi sa demandahan na kalaunan naman ay nabasura sa korte.

“I will do my best as the new president. I will lead them (Board), and use my affiliation and influence in FIVB and AVC to get a lot of support,” pahayag ni Suzara sa kanyang media statement.

Ayon kay Tolentino, isusumite niya sa International Volleyball Federation (FIVB) ang resulta ng naturang halalan, gayundin sa POC Executive Board upang malagdaan at maisulong sa General Assembly para pormal na tanggapin bilang miyembro ng Olympic body.

Ngunit, hindi pa tapos ang laban para kay Cantada na nagpahayag ng pagkadismaya sa aniya’y sarswelang halalan at moro-morong palabas ng POC.

Ayon kay Cantada, ipinaglalaban ang recognition ng PVF na ibinigay ng FIVB, ngunit binabalewala ng POC mula pa nang magsimula ang kontrobersya sa volleyball noong 2015, taliwas ang ginawa ng POC sa kahilingan ng FIVB.

“Malinaw ang sulat ni FIVB Director General Fabian Azevedo sa POC na tulungan ayusin ang election sa Philippine Volleyball at hindi magbuo ng bagong asosasyon. Umayaw ang PVF na lumahok sa election dahil hindi tunay ang demokratikong pamamaraan sa pagpili ng lider at stakeholders,” ayon kay Cantada.

Sinabi ni Cantada na ayos na ang line-up ng mga opisyal bago pa man isagawa ang election batay sa dokumentong nakuha ng PVF.

“Gagawin namin ang lahat ng legal na proseso para mailabas ang katotohanan. Ilalaban namin ang karapatan ng PVF sa POC General Assembly at sa FIVB. Kung alisin kami sa FIVB, so be it,” sambit ni Cantada.

-Edwin Rollon