NARARAPAT din na maihanay ang atletang Pinoy sa frontliners na kabilang sa ‘priority list’ sa vaccination program ng pamahalaan para sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Ito ang ipaglalaban ni House Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero sa kanyang ihahaing Resolution sa Kongreso na inaasahan niyang mabibigyan din ng pansin sa Senado.
“Pilipino athletes could be considered as frontliners since they are also sacrificing for the country,” pahayag ni Romero sa kanyang mensahe sa Philippine Sports Association (PSA) online media forum nitong Martes.
Aniya, nakapalood sa kanyang ihahain na Resolution na bigyan ng prioridad ang mga ‘elite athletes’ na sasabak sa 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo, gayundin ang mga lalahok sa 2021 Vietnam Southeast Asian Games sa Nobyembre.
“Sa order of priority kasi, ang uunahin dyan are the senior citizens and the medical and military frontliners. Ang mga athletes, baka nasababa pa. So ang gagawin lang naman natin, isasama ang mga atleta bilang frontliners,” sambit ni Romero.
Iginiit ni Romero na maging ang International Olympic Committee (IOC) ay nagpalabas na ng polisiya na magbibigay kasiguruhan na ang lahat ng atleta at opisyal na lalahok sa Tokyo Games ay kailangan nabakunahan na ng vaccine laban sa coronavirus.
“That’s the standard policy of the IOC and the Tokyo Organizing Committee so I think it would be safe,” giit ni Romero, bahagi rin ng professional basketball team NorthPort Batang Pier sa PBA.
Batay sa report ng IATF, sinabi ni Romero na makakarating na sa bansa ang unang batch ng mga order na vaccines sa kaagahan ng Marso hanggang April. Inaprubahan na ng House of Representatives ang paglalaan ng 80 million vaccines para sa double dosage ng 40 million Pinoy.
Sa kasalukuyan, tanging sina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo, at boxers Eumir Marcial at IrishMagno ay may tiket sa Tokyo Olym pics, habang sasabak pa sa qualifying meet sina Rio Olympics silver medal winner Hidilyn Diaz, Asian skate champion Margilyn Didal, gayundin ang ilang miyembro pa ng boxing team, karate, taekwondo at athletics.
Inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pakikipagtulungan ng IATF at Department of Health (DOH) ang bubble training ng boxing, karate at taekwondo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
“Hopefully, mas marami ngayong (qualifiers). We’re hoping to get the gold (medal) in Tokyo. Sana makuha na natin kasi matagal na rin natin itong hinihintay. It’s long overdue,” pahayag ni Romero.
-Edwin G. Rollon