MATAPOS buwagin o pawalang-saysay noong nakaraang linggo ang 32-taong kasunduan (1989 UP-DND accord) na nagbabawal sa military at police na pumasok sa University of the Philippines (UP) campus nang walang koordinasyon sa school officials, hiniling ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa UP na tulungan siya at ang gobyerno na wakasan ang problema ng insurhensiya sa Pilipinas.
Niliwanag ni Lorenzana na ang desisyong buwagin ang 1989 agreement sa pagitan nina noon ay Defense Sec. Fidel V. Ramos at ex-UP Pres. Jose Abueva, ay hindi naglalayong sikilin ang mga kalayaan kundi upang protektaan ang mga estudyante mula sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
“Tulungan ninyo ako. Mag-usap tayo at humanap ng mga paraan para tuldukan ang insurhensiya. Let us work together and move forward,” pahayag ni Lorenzana sa video message na ipinost sa Facebook page noong Enero 24 para sa UP community.
Samantala, apat na unibersidad sa bansa ang nag-isyu ng magkasanib na pahayag para pabulaanan ang sinabi ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na ang mga university ay mga lungga o recruitment havens ng NPA.
Nagpahayag ng pagtutol ang Ateneo de Manila Unversity (ADMU), De La Salle University (DLSU), Far Eastern University (FEU) at University of Santo Tomas (UST), sa pahayag ni Parlade at binigyang-diin na ang kanilang mga paaralan ay “neither promote nor condone recruitment activities of the NPA and, indeed, of any movement that aims to violently throw the government.”
Sa joint statement, ang FEU ay kinatawan ng pangulo nito na si Dr. Michael Alba; ng UST ni Vice Rector Fr. Isaias Tiongco, OP; ng DLSU ng pangulo nitong si Br. Raymundo Suplido; at ADMU ng pangulo nitong si Fr. Robert C. Yap, SJ.
Una rito, nag-akusa si Parlade na 18 pamantasan, kabilang ang apat, ay nagsisilbi umanong recruitment havens ng mga komunista. “Ang ganitong bintang bagamat luma na, ay rehash ng public accusation na ginawa ng heneral noong 2018 nang padalus-dalos (irresposibly) dahil ginawa nang walang pruweba,” ayon sa apat na unibersidad.
May panibagong alok si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa sambayanang Pilipino: Bababa siya sa puwesto kapag si Vaccine czar Carlito Galvez ay sangkot sa kurapsiyon sa umano’y overprice ng COVID-19 vaccines na binibili ng gobyerno.
Sa harap ng mga sundalo sa Sulu noong nakaraang Sabado, ganito ang sabi ng Pangulo: “Ipusta ko yung presidency ko, walang graft yan at si Secretary Galvez kilala ko.” Ilang senador ang nag-aakusa sa Duterte administration na pinapaboran nito ang Chinese drug maker na Sinovac. Nais nilang isapubliko ang presyo ng bakunang gawa sa China.
Sa pagdinig sa Senado kamakailan, sinabi ng mga opisyal, kabilang sina Galvez at Health Sec. Francisco Duque III, na hindi sila lalagda sa transaksiyon na hindi makabubuti sa Pilipinas. Ayon sa Malacanang, ang presyo ng bawat Sinovac vaccine shot ay hindi lalampas sa P700, pero hindi binanggit ang eksaktong halaga dahil sa confidentiality disclosure agreement.
Sana nga ay mura na, mabisa pa ang Sinovac vaccines upang marahuyo ang mga Pinoy na magpabakuna laban sa COVID-19.
-Bert de Guzman