Mahaharap sa seryosong problema ang Pilipinas kapag ang mga kaso ng coronavirus sa bansa ay umakyat sa milyun-milyon, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi.
Sinabi ng Pangulo na ang mga impeksyon ng bansa ay umabot na sa higit sa 500,000 at patuloy na tumaas batay sa tala ng kalusugan ng gobyerno.
“We continue to pray. Kami dito kasi it’s still rising. Umabot na ng more than 500[,000] ang tinamaan,” wika ni Duterte sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi.
“I hope it would not reach millions because then we would be in serious trouble. We would be no better than the other countries whose rise is really exponential,” aniya. Itinaas din ng Pangulo ang posibilidad na gumamit ng “draconian measures” tulad ng pagpilit sa mga tao na manatili sa bahay upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus. Gayunpaman, kinilala niya ang masamang epekto ng paghihigpit sa paggalaw sa ekonomiya at kabuhayan ng mga tao.
“When people are dying on the streets then maybe I could use the draconian measures of telling everybody to stay put inside their houses. Ang problema is how to sustain ‘yung mga wala – ‘yung isang tuka, isang kahig; isang kahig, isang tuka,” aniya. Sinabi niya na maaaring matugunan ng gobyerno ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mahihirap ngunit nagpahayag ng pag-aalala na ang mahigpit na panuntunang stay-at-home ay maaaring pumatay sa ekonomiya dahil walang nagtatrabaho.
Isuot nang tama ang face mask
Habang nahaharap ang bansa sa “dangerous times,” muling umapela si Duterte sa publiko na sundin ang health protocols tulad ng wastong pagsusuot ng face mask at ligtas na distansiya, lalo na sa pagtuklas ng bagong coronavirus variant sa bansa.
“It’s still dangerous. Follow the protocols of preventing it if at all and hopefully wait for the rollout of the vaccine. Malapit na po,” aniya. “Ang problema into is how you maybe obey the protocols of maghugas then mask,” aniya.
“Kasi ‘yung iba nagma-mask tapos nakikita ko ‘yung ilong ninyo sumasabit doon just on the edge of the mask, the upper portion. So it does not really give a relief at all kung ganoon ang --- ka-careless ang tao na gumagamit,” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, ang mga tao ay dapat magsuot ng face mask sapagkat nakakatulong ito sa pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19.
“I hope that you would be religious in obeying the injunctions na sinasabi ng mga ating medical persons simply because we are trying to save our country,” dagdag niya.
10-14 ‘wag nang lumabas
Binawi ni Pangulong Duterte ang utos ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na payagan ang mga batang may edad 10 hanggang 14 taong gulang na lumabas ng kanilang mga tahanan sa mga lugar sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) dahil sa bagong variant ng COVID-19.
Sinabi ng Pangulo na ang kanyang desisyon ay bilang precautionary measure laban sa United Kingdom variant ng COVID-19 na natagpuan kamakailan sa Cordillera Administrative Region (CAR).
“Yung restrictions na lifting the -- 10-14 age group sa MGCQ areas, na palabasin na yung mga 10-14, I am compelled [to reverse it]-- it has nothing to do with the incompetence, not at all,” aniya.
“Ang akin is a precaution because there is a strain discovered in the Cordillera that is very similar to the strain dito sa United Kingdom. How it got there is beyond me,” dagdag niya.
“Takot lang ako. Because itong bagong strain strikes beyond children,” aniya.
Hanggang nitong Enero 25, ang bansa ay nagtala ng 514,996 kaso ng coronavirus na may 10,292 pagkamatay.
Iniulat ng mga awtoridad ang maraming mga kaso ng bagong variant ng coronavirus na unang napansin sa United Kingdom mula nang unang kaso ng isang balikbayan na Pinoy dalawang linggo na ang nakalilipas.
-GENALYN KABILING at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS