Sa kabila nang magkakasunod na kapalpakan ng ilang imbestigador at operatiba ng Philippine National Police (PNP), nakaluluwag naman ng kalooban na malamang marami pa rin naman sa mga ito ang nagtatrabaho ng matino – kamakailan lamang ay nakapag-rescue ng mga banyagang kidnap for ransom (KFR) victim – at katunayan ay nakatatanggap pa ng taos sa pusong pasasalamat mula sa embahada ng mga nailigtas na biktima.
‘Di ko kasi maalis na mainis at mag-alburoto kapag napapadalas ang kapalpakang ipinakikita ng ilan sa mga miyembro ng PNP na mga gustong magpalapad ng papel, at ang palaging ginagamit na instrumento upang makakuha ng umento sa kanilang trabaho – ano pa ba eh, ‘di palaging ikinukonekta ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa ilegal na droga. Bakit daw? Itanong n’yo sa buwan!
Kaya nang mabasa ko ang isang liham ng komendasyon mula sa Taipei Economic Cultural Office (TECO) – kumakatawan bilang embahada sa bansa ng Taiwan – natabunan ng konti ‘yung pagka-inis ko sa mga mapapel na operatiba at opisyal ng PNP.
Bahagi ng TECO commendation: “Sincere Appreciation to the Philippine National Police (PNP), regarding the outstandingly successful rescue operation of a Taiwanese KFR victim, Mr. Chen by PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) last December 31, 2020…This act of selfless goodwill will most definitely not be forgotten by the victim and his family since not only has Mr. Chen been robbed of all his savings, but also he comes from a not well off family.”
Oh ‘di ba – ang sarap makabasa at makarinig ng ganitong papuri para sa ating mga pulis lalo na kung nanggagaling sa mga dignitary mula sa ibang bansa. Para sa isang tulad kong mamamahayag na halos naging bahay na ang mga kampo at istasyon ng pulis sa iba’t ibang lugar sa bansa - lalo na rito sa Metro Manila -- maipagmamalaki mo ito!
Dalawa ang sinasabi kong magkahiwalay na rescue operation na naisagawang matagumpay ng PNP-AKG sa pangunguna ni BGen. Jonnel Estomo. At ang dalawang kidnapping incident ay naganap – siyempre, tama ang hula n’yo – ay magkakasunod na nangyari sa Makati City! Ano bang meron dito sa siyudad na ito at tila inaalat yata ang ating mga pulis sa mga malalaking krimen? Eh magaling naman daw ang hepe rito na imported pa galing Davao City.
Sa dalawang operasyong ito ng PNP-AKG, arestado ang anim na Chinese national at isang Pilipino sa magkakahiwalay na lugar ng naturang siyudad.
Sa isang press conference ay iniharap ang biktimang si Chen Liyong, 26, empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa ilalim ng Yong Cheng Premier Corporation sa Theater Drive, Carmona, Cavite.
Ayon sa pulis report, dinukot si Chen noong bago mag New Year at ikinulong sa sarili niyang opisina ng dalawang suspek na sina Yang Zhen at guwardyang si Sergio Busuego Jr. Humihingi ang dalawang suspek ng P300, 000 sa pamilya ng biktimang taga-Taiwan.
Halos ganito rin ang nangyari sa biktimang si Shih Su Yuan, 36, na dinukot ng limang kababayan nitong Chinese sa Camino Street, Guadalupe, Makati noong Enero 2.
Sa tingin ko, ang maagap na pagkilos at tamang pagpa-plano – na batay sa A1 intelligence information na nakuha ng mga operatiba – ang naging hagdan upang maisagawa ng PNP-AKG ang dalawang matagumpay na operasyong ito.
Sana ALL – ng mga operatiba kagaya mag-operate ng PNP-AKG para bumalik ang pagtitiwala at paggalang ng mga mamamayan sa mga pulis natin sa lansangan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.