HINDI ko masawata o kaya’y masisi ang dalawang kaibigan sa medyo may kaanghangan nilang komento tungkol sa isyu ng COVID-19 vaccination plan ng gobyerno para sa ating bansa. Pareho silang nagtataka o nahihiwagaan kung bakit sa ibang mga bansa ay binabakunahan na ang kanilang mga mamamayan, ngunit dito sa Pilipinas ay nasa yugto pa lang tayo ng negosasyon para makakuha o makabili ng mga bakuna para sa coronavirus 2019.
Kung sa bagay, totoo naman na medyo atrasado na tayo sa pagkakaroon ng bakuna na tutugon sa paglaban sa pandemya na hanggang ngayon ay umaatake sa maraming lugar sa kapuluan, kabilang ang Metro Manila. Patuloy sa pagdami ang tinatamaan ng virus at mahigit na sa 10,000 ang mga Pinoy na namatay samantalang mahigit na rin sa 500,000 ang positibo sa COVID-19 cases.
Umasa na lang tayo sa pangako at pagsisikap ng ating pamahaaan na ginagawa nila ang lahat para makarating sa ating bansa ang mga bakuna ngayong Pebrero. Sana ang bakuna ay mura na, ligtas pa ‘ika nga. Iwasan sana ng ating mga pinuno ang pagkiling o pagpabor sa isa o dalawang brand ng vaccines dahil ang may gawa nito ay kaibigan ng ating mga lider.
Kumpiyansa ang Malacañang na lalong mapalalakas ang diplomatic relations ng United States at ng Pilipinas ngayong ang Pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo ay isang democrat, si Joe Biden Jr. ng Delaware.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na umaasa ang Pilipinas sa patuloy na partnership nito sa US para sa isang mas malaya at higit na payapang mundo. Kung matatandaan natin, ang PH ay nagpadala ng abiso sa US government tungkol sa terminasyon ng Philippine-US defense agreement, kasunod ng desisyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ipatupad ang isang patakaran (policy) para makipaglapit sa China at Russia. Bahagi ito ng tinatawag niyang independent foreign policy na hindi laging nakasandal ang Pinas sa bansa ni Uncle Sam.
Inihayag ni Roque na sa ilalim ng liderato ni Biden, magkakaroon ng bagong sigla ang bilateral ties o ugnayan sa pagitan ng dalawang long-time defense allies. “We are confident that President Biden will wear his new mantle of leadership with pride and with due regard for the hopes and aspirations of the rest of the world.”
Papaano Sec. Roque kung hilingin ni Pres. Joseph Robinette Biden Jr. kay PRRD na magpaliwanag sa anti-illegal drugs war nito at hayaang umusad ang kaso laban kay Sen. Leila de Lima?
Anyway, nagpaabot na rin ng pagbati ang ating Pangulo sa bagong Presidente ng America. Umaasa ang mga Pinoy na magkakaroon ng higit na mainit at masiglang relasyon ang PH at US ngayong 2021 na naging malamig noong panahon ni ex-Pres. Barack Obama.
-Bert de Guzman