NAGSIMULA nang maging epektibo nitong nakaraang biyernes ang Treaty on the Prohibition of Nuclear Weapons. Orihinal itong in-adapt ng 122 bansa sa United Nations General Assembly noong 2017. Naging epektibo ito nitong Biyernes, 90 araw matapos lagdaan ng 50th state.
Sa kasalukuyan ay nasa 150 estado ito sa buong mundo—nangangahulugan na nasa 100 bansa ang hindi pa pormal na tumatanggap sa kasunduan. Higit na mahalaga, hindi kasama rito ang lagda ng mga estado na kasalukuyang may nukleyar na armas—ang United States, Russia, China, France, Britain, India, Pakistan, Israel, at North Korea.
Binuo ang mga nuclear weapons sa mga huling araw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1946. Ginamit ng US sa ilalim ni President Harry Truman ang unang nuclear bombs nito sa Japan upang mahinto ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit sinasabing ang tunay nitong intensiyon, ay mapahinto ang Soviet Russia, sa pamumuno ni Joseph Stalin, na umusad sa Europe kasama ang daan-daang dibisyon ng tropa. Ibinagsak ang dalawang atomic bombs sa Japan upang ipakita kay Stalin na ang US, sa kabila ng kakulangan ng manpower, ay kayang-kayang pahintuin ang puwersa ni Stalin.
Sa sumunod na Cold War, bumuo ang US at Soviet Russia ng libu-libong nuclear bomb at ipinusisyon ang mga ito sa mga naglilibot na submarines at mga eroplano, kapwa nakatutok ang mga armas sa kalabang siyudad. Ito ang Cold War, panahong ang buong mundo ay namumuhay sa takot ng pinsala sa isang nukleyar na digmaan.
Ang pitong iba pang nasyon na may nukleyar na armas ngayon ay bumuo sa kurso ng kanilang sariling labanan. Ngunit ang nuclear na armas ay nagdadala ng panganib sa buong mundo lalo’t anumang pagsabog saan man ito maganap, kalaunan ay magkakalat ng nakamamatay na nuclear radiation.
Sa isang nukleyar na digmaan, walang sinuman ang ligtas, ngunit sa kasalukuyan matabang pa rin sa loob ng siyam na bansang may nuclear weapons na isuko ang kanilang ‘powerful advantage,’ sa lalim ng kawalan ng tiwala sa ibang mga bansa.
Kaya naman ang kasunduan sa Prohibition of Nuclear Weapons na naging epektibo nitong Biyernes higit sa isang kasiguraduhan ng kapayapaan ay isang pagpapahayag ng pag-asa. Ito ay isang “important step towards the goal of a world free of nuclear weapons,” pahayag ni UN Secretary General Antonio Guterres.
Dagdag ni Pope Francis, “It strongly encourages all states and all peoples to work decisively toward promoting conditions necessary for a world without nuclear weapons.”
Buhay na buhay pa rin hanggang ngayon ang panganib ng pagkawasak ng mundo dahil sa libu-libong nuclear na armas na nananatili sa US at Russia. Ngunit may opisyal nang deklarasyon ngayon ang karamihan ng mga bansa sa mundo na dapat maging malaya na ang mundo mula sa naturang armas at ang pag-asa na isang araw ay mangyayari rin ito.