SA kabila ng pahayag ni Czar vaccine Carlito Galvez na puwede pang umatras ang bansa sa kasunduang pinasok nito sa Sinovac Biotech hinggil sa pagsuplay nito ng kanyang medisinang Coronovac laban sa COVID-19, hindi ko alam kung paano ito magagawa. E, ito lang nakaraang Lunes ng gabi, sa recorded appearance sa publiko ni Pangulong Duterte, sinabi niya na hindi pa naiimbento ang gamot ay nakiusap na siya kay Chinese President Xi Jin Ping na huwag kalilimutan ang ating bansa na bahaginan ito nito. Nangako, aniya, si Xi Jin Ping. Kaya, sa simula pa lang na mapabalita na may bansa nang nakatuklas ng gamot laban sa pandemya, ang prayoridad na mga nasa gobyerno na kukunin ay ang manggagaling sa Sinovac. Dahil, ayon sa Department of Health, gagastos ng P3,629 o $38 para sa dalawang doses ng Sinovac vaccine at ang efficacy rate nito ay 50 porsyento lamang, may mga tumutol dito. Bakit, anila, hindi kumuha ang bansa ng mura at mas mabisa pa tulad ng Pfizer gawa sa Amerika at AstraZeneca sa United Kingdom.
Nanakot pa ang Pangulo. Aniya, sa mga may gusto ng Pfizer, ito ang balita na 30 ang namatay sa Norway na binakunahan nito. Ipinagtanggol niya iyong ginawa ni Sec. Galvez sa pagdinig sa Senado na hindi nito ibinunyag ang halaga ng Sinovac vaccine. Ayon sa kanya, dapat igalang ang confidentiality agreement na huwag ipaalam ang presyo ng bakuna dahil makokompormiso ang iba pang kasunduang pinasok ng bansa hinggil sa pagbili nito. Pero, ang ibang mga bansa ay ibinunyag nila ang presyo ng nakuha nilang Sinovac. Halimbawa, ang Bangkok Post ay nagpahayag na ang CoronaVac ay nagkakahalaga ng $5 (P240) per dose sa Thailand at $17 (P817) sa Indonesia. Iniulat naman ng pahayagang India Today na $14 (P673) ang halaga sa India.
Kung ang ibang bansa ay malaya at publikong pang ibinubunyag ang halaga ng Sinovac vaccine na kanilang nakuha, masyado naman tayong magalang at masunurin sa kasunduang confidentiality para itago sa ating mamamayan ang halaga ng parehong bakuna na makakuha natin. Puwede bang mangibabaw sa kasunduang ito sa karapatan ng mamamayan na makaalam at sa obligasyon ng gobyerno sa kanila na maging transparent ito sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa kanila? Pera nila ang ipangbibili ng bakuna. Ayon kay Pangulong Duterte, walang halong korupsyon sa ginagawa nilang pagbili ng Sinovac vaccine, pero siya lang ang nagsabi nito. Paano malalaman ito ng sambayanan. E, nilalabag ng Pangulo ang kanilang freedom of information at responsibilidad ng gobyerno sa principles of transparency at accountability na pawang itinatakda at itinataguyod ng Saligang Batas. Bihirang gumagawa kasi ang may masamang hangarin sa ilalim ng sikat ng araw.
Ang Pfizer ay umeksena lang nang atrasadong lagdaan ni Health Sec. Duque dahil nagturuan sila ni Executive Sec. Medialdea kung sino ang lalagda sa confidentiality document na isusumite sa Pfizer. Setyembre 2020 nang ialok itong Pfizer sa bansa, pero dahil nga sa ginawa ni Duque at Medialdea na ipinagtanggol ng Pangulo, ang doses na dapat ay mapunta sa bansa ay ibinigay sa Singapore. Iyon pala ang prayoridad ni Pangulong Duterte ay Sinovac vaccine. Sana bago pa lang magtapos ang 2020 o pagpasok ng 2021, binabakunahan na ang Pilipino ng Pfizer. Ang napakahirap nating tanggaping mga Pilipino ay nagbabakunahan na sa ibang bansa samantalang tayo ay nagdedebate pa hanggang ngayon hinggil dito.
-Ric Valmonte