ILANG araw na lamang at matatapos na ang Enero sa taong 2021 pero tila yata natatabunan o sadyang ibinabaon na lamang sa limot, ang mga isinasagawang imbestigasyon sa mga malalaki at kontrobersyal na kaso sa ilalim ng administrasyong ito. Aba’y iba-iba nang balita ang nasasagap natin na nagpuputukan sa ngayon at wala na tayong naririnig na update sa mga imbestigasyong isinagawa sa mga nakaraang mga kaso at krimen.
Isantabi na lamang natin ‘yung mga sunud-sunod na mga pagpatay sa iba’t ibang lugar sa bansa, na hanggang sa ngayon wala pa ring linaw na solusyon sa kabila ng Santambak na CCTV video na hawak ng mga imbestigador.
Ang tutukan na lamang natin at pag-usapan ngayon ay ang dalawang ito: Sino ang ilegal na nagpasok ng COVID-19 vaccine na ginamit ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG), at sino ba talaga ang may kagagawan nang mahiwagang pagkamatay ni flight attendant Christine Dacera sa loob ng isang magarbong hotel sa Makati City noong Bagong Taon. Pag-usapan na natin bago pa mapasama sa mga “imbestigasyong nabaon na lamang sa limot!”
Noong unang sumabog ang balita hinggil sa pagpapabakuna ng PSG nabingi tayo sa mga paandar-gugo ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya na mag-iimbestiga raw sa kaso. Pati na nga ang ating mga mambabatas umiksena at agad nagtakda ng hearing. Pero nang umiksena na si Pangulong Duterte at diretsahang kampihan ang pagpapabakuna ng mga taga-PSG – natameme ang lahat sabay-sabay na nag-urungan. Yung iba di nagpahalata pero dun din pala patungo sa gusto ng Pangulo!
Kaya heto tayo – bitin sa resulta ng imbestigasyon, ni pangalan kung sino ang malakas ang loob na nagpasok ng COVID-19 vaccine at nag-donate sa PSG ‘di natin nalaman. Pero at least, ako nakakuha ng maliit na “HINT” – sino ang matikas na donor -- mula sa mga kaibigan kong matitinik na tiktik o intel operative.
Sabi nung kaibigan kong tiktik: “MY oh MY don’t bother, sayang oras mo dyan. Wala yata akong info kung sino yan!”
Nag-isip ako nang malalim agad kasi kapag ayaw magsalita ng mga kaibigan kong tiktik hinggil sa isang topic, kadalasan na may HINT sa mga binibitiwan nilang salita.
Sabi niya ulit: “MY friend, MY friend – iba na lang pag-usapan natin, ‘yung Dacera Case na lang at may alam ako dyan!”
Nangiti ako – kasi alam kong sa dalawang matipid na pangungusap na binitiwan niya, may nakatagong clue – name o initial nung vaccine donor kung sino man ito. Humaba ang ngiti ko. Saglit akong nag-Google at presto – totoo nga na ang posibleng donor ng bakuna sa PSG batay sa HINT – initial na paulit-ulit niyang binigkas -- ay isang dating cabinet official na sanggang dikit ni Duterte.
Lipat kami ng usapan sa Dacera Case.
Abot ko na rin naman ‘yung sinabi niyang kapalpakan ng mga imbestigador sa Makati Police, kasama na rito siyempre, yung police officer na dating taga-Davao na biglang pumasok na opisyal sa National Capital Region Police Command (NCRPO) – samantalang yung mga matitinik na police officer naman dito sa NCRPO ay sa mga probinsiya itinapon, este dinala – at siya ngayong Chief of Police (COP) ng Makati City.
Ang tinutumbok niya -- isang simpleng kaso na dapat nilulutas base sa mga ebidensiya sa paligid ay pilit pa kasing iniugnay sa droga ang takbo ng imbestigasyon.
Eh bakit nga ba? Iba kasi ang dating para sa mga opisyal ng PNP na nakaupo sa ngayon kapag ang na-solve na kaso ay “illegal drugs related case” -- gets n’yo ba mga sirs?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.