TINAPOS o binuwag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang kasunduan ng militar sa University of the Philippines (UP) o ang tinatawag na 1989 UP-DND accord na nilagdaan noon nina dating Defense Sec. Fidel V. Ramos at dating UP Pres. Jose Abueva.
Ang terminasyon ng kasunduan ay ginawa ni Lorenzana dahil ang pamantasan umano ay nagiging “breeding ground” o punlaan ng mga komunista sa pamamagitan ng pagre-recruit sa kabataang mga estudyante ng unibersidad.
Umalma ang maraming sektor sa desisyong ito ng Defense
Department. Pagsikil daw ito sa academic freedom at kalayaan ng taga-UP. Sa UP-DND accord, hindi basta makapapasok sa campus o loob ng UP ang militar nang walang abiso o prior notification sa mga pinuno ng pamantasan.
Para kay Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III, halos imposibleng magkaroon ng Charter Change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass). “Sa pagsususog sa Constitution sa pamamagitan ng Con-Ass na ang dalawang kapulungan ay magco-convene bilang isang Charter-changing body, ito ay ‘next to impossible’ sa panahong ito.”
Sinabi ni Sotto na ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Con-Ass ay ilalantad sa panganib ang Constitution tungo sa wholesale amendments, kabilang ang pag-aalis sa term limits ng halal na mga opisyal na labis na tinututulan ng mga mamamayan.
Kung si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay parang atras-abante sa isyu ng kung siya ay unang magpapabakuna o hindi pag dumating na ang COVID-19 vaccines, si Vice Pres. Leni Robredo naman ay hindi lang willing kundi ready pang magpaturok ng una para makuha ang tiwala ng mga Pinoy.
Sinabi ng spokesman na si lawyer Barry Gutierrez, magpapaturok si VP Leni sa publiko upang pawiin ang pangamba ng mga tao. Samantala, unang sinabi ni PRRD na huli na silang magpapaturok nina Sec. Galvez, Defense Sec. Lorenzana at cabinet members para pagbigyang unahin ang health workers at frontliners.
Gayunman, sa pahayag ni presidential spokesman Harry Roque, handa ang Pangulo na unang magpabakuna para makamit ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa bisa at ligtas ng bakuna. Sa ibang mga bansa, tulad ng Singapore at Indonesia, nauunang magpabakuna ang mga lider at isinasapubliko pa.
Hanggang ngayon ay atubili ang malaking porsiyento ng mga Pinoy na magpabakuna. Natatakot sila dahil sa naririnig na mga balita tungkol dito. Ang pinakahuli ay report mula sa Norway na 25 matatanda o Norwegian seniors na tinurukan ng Pfizer vaccines, ang umano’y namatay.
Gayunman, nilinaw ng Norway na ang mga namatay ay talagang matatanda na at may taglay na sakit, tulad ng kanser at iba pang seryosong karamdaman. Maaari daw na nagkataon lang na nang sila’y turukan ng vaccine, nag-react ang mga sakit. Dahil dito, ititigil nila ang pagbabakuna sa mga may sakit nang matatanda.
Ngayon ay 2021 na. May mga bakuna nang natutuklasan. Milyun-milyon na ang tinamaan ng Covid-19 at milyun-milyon na rin ang namamatay. Kailan kaya huhupa ang salot na itong pati ang ekonomiya ng mga bansa at kabuhayan ng mga tao sa mundo ay labis ang pinsala?
-Bert de Guzman