Nasa 13 katao ang napatay, kabilang ang isang pulis, sa isang engkuwentro habang isinisilbi ang arrest at search warrants laban sa isang datong barangay chairman ng Sultan Kudarat, Maguindanao, kahapon ng madaling araw.

Sa report na natanggap ng Camp Crame sa Quezon City, aarestuhin sana ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kapitan na si Datu Pendatun Talusan, at apat na iba pa, kabilang ang tatlong kaanak, nang magkaroon ng sagupaan sa Bgy. Limbo, dakong 3:30 ng madaling araw.

Sinabi ng pulisya, papasok pa lamang sa lugar ang mga awtoridad nang salubungin sila ng sunud-sunod na putok ng baril.

Matapos ang ilang oras na engkuwentro, napatay si Talusan at 11 pang kasamahan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Napatay naman sa panig ng pamahalaan ang isang pulis na may ranggong Staff Sergeant. Naiulat na apat pang pulis ang nasugatan at ito ay sina Capt. Ronillo Daligdig, Jr., Patrolman Cayl Jun Gonzales, Corporal John Ryan Aquino at Corporal Gyvard Bando, pawang miyembro ng 4th Special Action Battalion na tumulong sa mga tauhan ng CIDG.

Nasamsam sa pinangyaruhan ng sagupaan ang limang M16 Armalite rifle, isang M14 rifle, isang Cal. 22 rifle at dalawang Cal.45 pistol. Sa pagsisiyasat, sangkot ang grupo ni Talusan sa pagbebenta ng iligal na droga sa Cotabato City at sa Sultan Kudarat.

Isinasangkot din sila sa carnapping, robbery at extortion activities sa Maguindanao.

-Aaron Recuenco