SA pagsisimula ng maraming bansa ng mass vaccination laban sa COVID-19 pandemic, sinimulan ng World Health Organization (WHO) sa Geneva, Switzerland, at ng marami pang ibang organisasyon ang pagtataya sa pinsala at mga pagkabigo na idinulot nito sa buong mundo.
Sa isang interim report, inilarawan kung paanong naging mabagal at ‘di epektibo ang pagtugon ng maraming pamahalaan at public health organizations sa simula ng pandemya, sa kabila ng maraming taong paalala. Kabilang dito ang mga maling hakbng mismo ng WHO.
“We failed in our collective capacity to come together in solidarity to create a protective web of human security,” ayon sa report, na binuo ng isang Independent Panel for Pandemic Preparedness and Response, sa pamumuno ni dating prime minister Helen Clark ng New Zealand.
Nabigo ang mga pamahalaan na maabot ang protective equipment at maisagawa ang widespread contact tracing, ayon sa panel. Dagdag pa ng mga imbestigador, hindi nila maunawaan kung bakit naghintay pa ang WHO committee ng hanggang Enero 30 bago ideklara ang isang international health emergency.
Mayroon nang dekadang prediksyon na hindi maiiwasan ang isang viral epidemic ngunit mismong ang WHO ay nabigo na maipatupad ang mga pundamental na pagbabago sa kabila ng mga paalala, ayon pa sa ulat.
Naging mabagal din ang pagtugon sa babala ng mga public health authorities sa mundo. Sa maraming bansa, binalewala ang senyales ng panganib.
Sa New York City, United States, sa isang analysis ng Pro Publica, isang nonprofit news organization, sinabi na noong Hunyo 2020, nasa 200 nurses sa buong bansa ang namatay mula sa coronavirus at 67 dito ay mga Pilipino. Ilang dekada nang nasa mga ospital sa New York City ang Filipino-American nurses. Partikular noong 1980s nang magkaroon ng kakulangan sa empleyado dulot ng AIDS epidemic ng panahong iyon, ayon pa sa report.
Sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, ang mga manggagawang Filipino- American ang nagdusa sa ‘most staggering losses,’ ayon sa Pro Publica. Isa sa pinalamaking Filipino enclaves sa East Coast ay nasa Queens, New York City, at northern New Jersey, at halos isang kwarter ng mga manggagawa sa mga ospital at iba pang medical field ay may Filipino ancestry.
Malayo pa bago matapos ang pandemya sa buong mundo, at lalong hindi pa sa US, kung saan ang pagkalat ng virus ay maaaring pinalala ng isang federal administration na sa umpisa ay tinawag itong hoax na gawa-gawa ng politikal na oposisyon. Ngunit hindi nag-iisa ang US sa pagkabigo na magkaroon ng desididong aksiyon sa panganib. Hanggang sa ngayon, patuloy na lumalaganap ang virus sa maraming bansa. Ang ginagamit ngayong bakuna ay mayroon lamang emergency use approval dahil hindi pa nito nakukumpleto ang final human tests na kalimitang gumugugol ng ilang taon.
Ngunit ngayon pa lamang, inihahanda na ng WHO ang ulat nito hinggil sa mga paghihirap na kinaharap ng mga frontline doctors, nurses, at mga medical technologists – marami sa mga ito ay Pilipino—na kulang sa sapat na personal protective equipment para sa kanilang mga sarili kasama ng medisina at pasilidad para sa kanilang mga pasyente. Ang ulat, ayon sa WHO, ay magsisilbing blueprint para sa mga reporma na kalaunan ay ipatutupad upang mas maging handa na ang mundo sa susunod na pandemya.