Sa recorded televised address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang Lunes ng gabi, ipinagtanggol niya si Vaccine czar Carlito Galvez sa kasunduang pinasok niya sa Sinovac Biotech hinggil sa pagsupply nito ng bakuna laban sa COVID-19. Ikinagalit niya ang napabalitang may nagsabi na may korupsyon na nakapaloob dito dahil sa pagpupumilit ng gobyerno na sa Chinese pharmaceutical na ito kumuha ng bakuna. Kasi, mayroon namang pwedeng pagkunan ng bakuna na bukod sa mura ang halaga ay 90 o 91 porsyento ang efficacy rate, hindi tulad ng Sinovac na mahal na ay 50 porsyento lamang. “Ang trabaho lang ni Sec. Galvez ay makipagugnayan sa bibilihan ng bakuna, aaprobahan pa ito ng Department of Health, daraan pa kay Finance Sec. Dominguez at ako ang huling magaaproba nito. Kaya, nasaan ang korupsyon,” wika ng Pangulo. Hiniling niya sa taumbayan na pagkatiwalan siya na ang bakuna na kinukuha nila ay mabisa at mura pa. Sinabi pa ng Pangulo na ang kanyang gobyerno ay gobyerno ng mahihirap kaya uunahin ang mga ito kasama ang mga frontliners na babakunahan.
Nang pumutok ang balita na nagpabakuna o nabakunahan na ang mga sundalong kanyang bodyguard sa Presidential Securty Group at paiimbestigahan ito ng Senado, ikinatwiran niya na dapat lang sila, mga sundalo at pulis ang maunang mabakunahan. Kapag nagkasakit ang mga ito, aniya, magkakaroon ng kaguluhan. Ngayon naman, ang prayoridad ay mga ahirap dahil ang kanyang gobyerno ay gobyerno ng mga dukha. Umaasa kaya ang Pangulo na pananaligan siya ng mga ito? Eh nang pagkaupong-pagkaupo niya, ang unang nais niyang ubusin ay ang mga dukha. Sa pagpapairal niya ng kanyang war on drugs, ang nililipol niya ay ang mga mahirap na wala namang kakayahang magangkat at magpasok ng ilegal na droga sa bansa. Kung mayroon mang masasabing drug lord na kanyang nadakip o napatay, mabibilang lamang ang mga ito. Ang isa nga niyang minamarkahang na nasa drug syndicate ay ang alkalde ng Alburque, Leyte na si Rolando Espinosa, Sr. na nakapiit nang patayin dahil umano ay nanlaban sa mga pulis. Pero, isinakripisyo ni Pangulong Duterte ang buhay ng mga ito lalo na ang mga dukha na wala namang kinauwiang mabuti. Patuloy na pumapasok ang droga sa bansa na bulto-bulto at napakalaking halaga sa pantalan at paliparan pa.
Ngayon naman, mga dukha ang prayoridad ng Pangulo na mabakunahan. Mahirap ang mga ito, aniya, at walang pambili ng gamot. Dahil sa droga, halos mga dukha ang biktima ni Pangulong Duterte sa kanyang war on drugs. Gusto naman niya ang mga kauri nito ay maging ligtas sa sakit at mabuhay kaya sila ang uunahing bakunahan dahil ang kanyang gobyerno ay para sa mga dukha. Isa lang ang paraan para makuha ang kumpiyansa ng mga dukha na hindi sila magagaya sa mga kagaya nilang pinaslang. Mauna ang Pangulo sa kanila na magpabakuna at publiko niyang ipakikita ito sa kanila. Ang problema, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pribado at tago niyang gagawin ito. Eh hindi para sa dukha ang kanyang gobyerno kundi para lang sa kanya.
-Ric Valmonte